Libo-libong mga nagsipag-uwiang overseas Filipino workers (OFWs) ang nag-aantay sa paglabas ng listahan ng mga nagnegatibo sa Covid-19. Ang negatibong resulta ay nangangahulugang makakauwi na sila sa kani-kanilang mga tahanan.
“As of now marami pa rin po mga Pilipino ang naghihintay ng results; some of them first week of May pa na-swab and until now, wala pang results. Mayroon pong iba na two months na sa quarantine facility,” ayon sa isang OFW na nasa quarantine pa rin.
Subalit, nagulat ang ilan sa paglabas ng mga pangalang Tsino sa naturang listahan noong Mayo 25.
Giit ng isang OFW, “I don’t mind waiting because I want to make sure that I’m not a carrier of the virus and my family is safe (Walang akong problemang man-antay kasi gusto kong matiyak na wala akong virus at ligtas ang aking pamilya). But I think it’s unfair na uunahin pa nila other citizens than their own (Pero hindi tama na uunahin nila ang mga banyaga kaysa sa Pilipino)”.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) commandant Admiral Joel Garcia, ang mga banyagang pangalan ay mula sa 490 na Tsinong nagtatrabaho para sa isang tenant ng Fontana Leisure Park sa Clark Freeport, Pampanga, na tintest noong Mayo 21.
Ibig sabihin, nakuha ng mga Tsino ang resulta na kanilang test sa loob lamang ng apat na araw.
Ang mga swab samples ng mga OFWs at mga Tsino ay kinukuha pareho ng mga PCG personnel. Pagkatapos ay isusumite ang mga ito sa Philippine Red Cross (PRC), na siyang magpoproseso sa mga samples. Ipapaalam naman ng PRC sa PCG ang resulta sa pamamagitan ng paglalabas ng listahan ng mga taong nagnegatibo sa Covid-19.
Itinanggi naman ng ni Garcia na binibigyan nila ng prayoridad ang mga Tsino. Aniya, “Those 400-plus Chinese remain on lockdown in Fontana, and cannot go anywhere (Nananatiling naka-lockdown ang mahigit 400 na Tsino sa Fontana at hindi sila maaaring makagala)”.
Samantala, nagrereklamo naman ang ilang OFWs kung bakit mas maagang nakukuha ng ilang mga huling tinest ang kanilang mga resuta kumpara sa mga mas maagang natest.
Mandatoryong ang pagsailalim sa 14-day quarantine ng mga nagsisipag-uwiang OFWs subalit maaari lamang silang makaalis kung sila ay makatanggap na ng Covid-19 test result. Inamin ng ilang mga OFWs na ilang linggo na silang nag-aantay sa nasabing resulta kahit na sinabihan silang magtatagal lamang ang pag-aantay ng tatlo hanggang limang araw.
Ayon naman kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagkaantala sa mga resulta sa dahil sa kakulangan ng mga encoder na silang naglalagay ng mga resulta sa database ng pamahalaan. Dagdag pa nito, kasakuluyang naghahanap ng mas maraming encoder ang pamahalaan.
Ang testing sa 490 Chinese workers sa Fontana noong May 21 ay naganap matapos ang isinagawang raid sa isang di umano’y iligal na clinic sa isang villa sa loob din ng resort. Itinanggi ito ng operator ng Fontana at sinabing ang naturang villa ay pag-aari ng Shidaikeji Technology Corporation, ang employer ng mga 490 na Tsino.
May mga naiulat ding mga Pilipinong nagtatrabaho sa lugar subalit hindi sila natest para sa coronavirus.
Sa datos noon Mayo 27, nakapaglabas na ang PCG ng 36,832 na negatibong swab test results. Sa tulong naman ng Department of Transportation (DOTr), nakauwi na ang tinatayang 7,217 na mga balikbayang OFW sa kani-kanilang mga lalawigan ayon sa datos noong Mayo 26.