Dalawa mula sa mahigit 100 kataong nagsipag-uwian sa Leyte sa ilalim ng Balik Probinsiya, Bagong Pag-Asa Program ang nagpostibo sa Covid-19.
Ayon Department of Health (DOH) sa Eastern Visayas, ang mga nagpositibo ay isang 26-anyos na lalaki mula sa bayan ng Tanauan, Leyte habang ang isa naman ay isang 28-anyos na lalaki mula lungsod ng Baybay.
Sinabi ni Dr. Minerva Molon, DOH regional director, na hindi nagpakita ng sintomas ang dalawa at sa ngayon ay naka-quarantine na. Iginiit ni Molon na hindi niya mairerekomenda ang pagsuspinde ng Balik Probinsiya sapagkat isa itong programa ng pamahalaang nasyonal.
Ang magagawa lamang aniya ng DOH Region VIII ay tignan kung may mga pagkukulang sa implementasyon ng nasabing programa upang matiyak na ang mga magsisipag-uwian sa lalawigan sa hindi na makapanghahawa pa ng iba.
Ayon kay Molon, tinatayang nasa 4,000 ang inaasahang uuwi ng Leyte sa ilalim ng Balik Probinsya program, na naglalayong hikayatin na maghanap-buhay at bigyan ng oportunidad sa lalawigan ang mga Pilipino upang mabawasan ang paninikip sa Kamaynilaan.
Noong Mayo 22, mahigit 100 na manggagawa galing Kalakhang Maynila ang nagsipag-uwian sa Leyte, na isa sa mga unang lalawigang nagpatupad ng Balik Probinsya.
Tiniyak naman ni Dr. Lesmes Lumen, provincial health officer ng Leyte, na sumailalim sa swabbing ang mga nagsipag-uwian sa lalawigan bago sila payagang bumiyahe patungo sa kanilang mga tahanan.
Paglilinaw ni Lumen, “It turned out that most of them were not swabbed in Manila. That was why we conducted swabbing here (Hindi na-swab sa Metro Manila ang karamihan ng mga nagsipag-uwian kaya sila ay sumasailalim sa swabbing dito)”.
Ipinadala naman ang swab samples sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City para sa testing. Ilang pamahalaang lokal ang nagsagawa rin ng swabbing sa mga nasasakupan nitong kababayan at ipinadala ang mga samples sa Divine Word Hospital sa Tacloban City para matest.
Sa datos noong Mayo 28, 31 na ang naitatalang kaso ng Covid-19 sa Eastern Visayas.