Aprubado na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pagpapasailalim ng Kalakhang Maynila sa general community quarantine (GCQ) simula Hunyo 1.
Ito ay matapos irekomenda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang nasabing panukala para sa Metro Manila na ngayon ay itinuturing na “high-to-moderate-risk” na area. Nirekomenda rin ang parehong panukala ng 17 na mga alkalde ng National Capital Region (NCR) upang makapagbukas na ang ilang mga establishimento para sa pagbangon muli ng ekonomiya at pagtulong sa ilang mga manggagawa na makapaghanap-buhay na.
“We are not happy to put you in this place, but after review, maybe we can (Hindi kami masayang ilagay kayo sa lugar na ito, subalit pagkatapos i-review, baka puwede na),” pahayag ni Duterte.
Dahil sa magaang quarantine, ang ilang “high risk” barangays dahilan ng mataas na bilang ng mga kaso ay isasailalim sa “zoning” na pangungunahan ng National Task Force on COVID-19.
Simula Hunyo 1, balik-pasada na ang mga bus sa Metro Manila sa 50% na kapasidad. Subalit, ang mga jeepney naman ay papayagan lamang matapos ang tatlo pang linggo. Ang mga tren, shuttle ng pribadong kumpanya, transport network vehicle services tulad ng GrabCar, mga taxi, mga traysikel, at point-to-point buses ay pahihintulutan na rin.
Maaari na ring makalabas ng tahanan ang mga taong nakatira sa GCQ areas maliban na lamang sa mga 21-anyos pababa at mga 60-anyos pataas. Ang mga religious gatherings naman ay mananatiling bawal.
Bukod sa Metro Manila, sasailalim din sa GCQ ang:
- Rehiyon 2 (Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Santiago City)
- Rehiyon 3 (Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac)
- Rehiyon 4-A (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon, Lucena City)
- Albay
- Pangasinan
- Lungsod ng Davao
Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay sasailalim sa modified general community quarantine.
Sa datos noong Mayo 28, nasa 15,588 na ang mga nagpositibo sa Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 3,598 na ang gumaling habang 921 na ang nasawi.
Ayon naman kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ang “doubling time” ng coronavirus ay bumagal na sa pitong araw, malayong-malayo mula sa dating dalawa hanggang tatlong araw noong Marso.