Duterte: Tsina, posibleng maglabas ng bakuna sa Setyembre

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Pangulong Xi Jinping ng Tsina at Pangulong Rodrigo Duterte

Posibleng ang Tsina ang isa sa mga kauna-unahang bansang makatuklas ng bakuna kontra Covid-19 at maaari nang mailabas sa merkado sa darating sa Setyembre, ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Pinuri rin ni Duterte ang Tsina sa di umano’y pagiging mapagpakumbaba nito. Aniya, Kaya lang itong China hindi ito hambog. Wala itong ere. But they — they, you know, they work and I’m very sure that they will be the first one — one of the countries that would be able to come up with a vaccine (Masipag sila at tiyak akong isa sila sa mga unang bansang makakagawa ng bakuna)”.

Naunang inanunsyo ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang paglahok ng Pilipinas kasama ang mga organisasyong Adimmune Corporation, Academia Sinica, Chinese Academy of Science-Guangzhou Institute of Biomedicine and Health, at Sinopharma-Wuhan Institute of Biological Products and Beijing Institute sa gaganaping clinical trials para sa ginagawang bakuna.

Kapag natapos na, ang clinical trials ay magsisilbi ring requirement para sa pagpaparehistro ng bakuna sa Food and Drug Administration (FDA).

Nabanggit ni Duterte sa mga nakaraang talumpati nito na kumakalap siya ng pondo upang agad na mabili ang bakuna kontra Covid-19 sakaling mailabas na ito sa merkado. Tiniyak naman ng Malacañang na nakahanda ang gobyernong magsagawa ng immunization plan sa hudyat ng pagdating ng bakuna.

Sa ngayon, nanawagan muna ang pangulo na panatilihin ang pagsunod sa mga patakarang pangkalusugan katulad ng pagsusuot ng face masks, pagsunod sa physical distancing, at madalas na paghugas ng kamay

Bagama’t lumobo na sa mahigit 15,000 ang bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 sa bansa kasabay ang pagpapatupad ng mas magaang quarantine sa buong kapuluan, sinabi ng pangulo na nasa mabuting kalagayan pa rin ang bansa dahil sa mababang fatality rate.

Aniya, “The recoveries 92 new ones, with the total of something like 3,598 to date. Ang patay po is 921. So you would see that Philippines has ratio and proportion vis-à-vis with the population, we have a low rate of mortality here in this country. (Mayroong mababang mortality rate sa bansa kung titignan ito base sa ratio at proportion ng buong populasyon). All in all, para sa akin, hindi naman masama ito”.

Mula sa modified enhanced community quarantine (MECQ), sasailalim na sa general community quarantine (GCQ) sa darating na Hunyo 1 ang Metro Manila, Region 2 (Cagayan Valley), Region 3 (Central Luzon) Region 4-A (Calabarzon), Pangasinan, Albay, at Davao City. Ang natitirang bahagi naman ng bansa ay isasailalim sa pinakamaluwag na quarantine – ang modified GCQ.

LATEST

LATEST

TRENDING