Pampublikong transportasyon, papayagan na sa GCQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Papasada na ang mga bus at jeepney matapos ang tatlong linggo mula sa posibleng pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa Kamaynilaan, ayon sa Department of Transportation (DOTr).

Ayon kay DOTr road sector consultant Alberto Suansing, kung itutuloy ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF_EID) ang pagpapatupad ng GCQ sa Hunyo 1, magbabalik pasada na ang mga bus at tren. Bukod dito, papayagan din ang pagbalik-pasada ng mga point-to-point buses, taxis, at Transportation Network Vehicle Services katulad ng Grab.

Hinihikayat naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gumamit ng bisikleta at mga maliliit na sasakyan kayang magsakay ng dalawang pasahero hangga’t maaari upang maibsan ang trapiko sa mga pangunahing lansangan dahil sa inaaasahang pagdami ng mga taong magsisipagbalik-trabaho. Subalit, ipinagbabawal pa rin ang pag-angkas (back ride) sa mga motorsiklo.

Samantala, Hunyo 21 naman ang itinakdang petsa ng pagbabalik-pasada ng mga city buses at jeepney. “We will monitor it if there’s an increase in COVID cases (Susubaybayan namin kung sakaling magkaroon ng pagtaas sa bilang ng mga kaso sa COVID-19)” giit ni Suansing.

Ang pag-iral ng GCQ ay katumbas ng pagbubukas ng mas maraming establishimento habang ang mga kasalukuyang nakabukas naman ay maaari nang magdagdag ng mga pumapasok na empleyado basta’t masusunod ang social distancing, pagsusuot ng face mask, at pagsasagawa ng temperature check.

Limitadong kapasidad lamang ang pinapayagan sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon para matiyak ang distansyang di bababa sa isang metro sa pagitan ng mga pasahero upang maiwasan ang hawaan.

Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang kasalukuyang mga pamantayan ay nagpapahintulot lamang sa 10% haggang 50% na kapasidad sa mga pampublikong sasakyan sa GCQ areas. Inaasahang madaragdagan ito sa pagpapatupad ng modified GCQ.

Sa ilalim ng IATF omnibus guidelines, ang DOTr ay inatasang magbalangkas ng mga alituntunin hinggil sa pampublikong transportasyon ngayong kasagsagan ng umiiral na community quarantine.

LATEST

LATEST

TRENDING