Ilang trabaho sa mga proyektong imprastraktura ng pamahalaan ang nakahain para sa mga balikbayang overseas Filipino workers (OFWs), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Aniya, “Dahil mananatili pa rin ang ‘Build, Build, Build’ initiative ng ating gobyerno, magkakaroon po tayo ng job fair specially targeting the OFWs dahil kailangan po natin sila ngayong narito na sa bayan natin sila dahil kulang na kulang po talaga ang ating mga construction workers dahil marami nga po ay nagsi-abroad na”.
Sinabi ni Roque na tinatapos pa ng Gabinete ang listahan ng mga proyektong imprastraktura na bibigyan ng prayoridad sa kasagsagan ng pandemiya. Anim na proyekto kabilang ang paggawa ng Skyway Stage 3 at ng connector road para sa North at South Luzon Expressways ang nagbalik operasyon ngayong buwan.
Mahigit 24,000 OFWs ang nagsipag-uwian batay sa datos ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). 11,848 naman ang nakarating na sa kanilang mga tahanan. Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang linggo ang mga awtoridad na tiyaking makakauwi na ang mga OFWs na nananatili sa mga quarantine facilities sa Kamaynilaan.
Nabanggit ni COVID-19 response chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na tinatayang aabot sa 500,000 OFWs ang magsisipag-uwian sa bansa ngayong taon dahil sa kawalan ng trabaho bunsod ng pandemiya.
Magbibigay din ng pautang ang pamahalaan para sa mga nais magtatag ng sariling negosyo.
Aminado si Roque na malubhang matatamaan ang ekonomiya dahil sa pagbaba ng mga perang ipinapasok ng mga OFWs. Subalit, maaari namang mabawasan ang paglala nito sa pagpapalakas ng lokal na ekonomiya. Nasa $33.5 bilyon ang naipasok na pera ng mga OFWs sa bansa sa taong 2019, o katumbas ng ₱1.7 trilyon ayon sa Bangko Sentral.