Imbestigasyon sa overpriced PPEs, ibinasura

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Hindi na itutuloy ang imbestigasyon tungkol sa overpricing ng mga personal protective equipment (PPEs) na binili ng pamahalaan para sa mga frontliners sa laban kontra Covid-19, ayon sa Malacañang.

Ito ay matapos depensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Department of Health Secretary (DOH) Francisco Duque III sa pagsabi na inutusan lamang nito ang kalihim na agarang bumili ng PPEs sa anumang halaga.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque,  “Naging malinaw naman at nagbigay din ng opinyon ang mga pribadong mga doktor na talagang wala pong irregularity, walang overpriced kasi set po ‘yan.” Dagadag pa nito, “Dalawang PPE nga po kasama diyan, kasama pa yung goggles, kasama pa yung sa paa. So wala pong kwestiyon sa PPE.”

Sa pagpupulong sa Malacañang noong Mayo 25, ipinakita ni Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao ang buong set ng PPE na binili ng pamahalaan at sinabing pasok ito sa lokal at international standards.

Ipinakita rin niya ang pinakamahal na PPE – ang “Ebola-type” coverall, na nagkakahalaga ng P1,100. Mas mahal ito kumpara sa katapat nitong gawang lokal na nasa P850. May kakayanan aniya itong pigilan ang mga air transmissible na virus.

Subalit, ipinag-utos naman ni Duterte sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isang mag-asawang nag-alok di umano sa pamahalan ng mga ibinibenta nitong medical equipment na triple ang presyo kumpara sa manufacturer.

Paglilinaw ni Roque, “Ang pinapaimbestigahan po ‘yung mga extraction machines at mga test kits dahil karamihan po dito lalong lalo na yung test kits galing lang po sa isang kumpanya sa Tsina at iba-iba lang po ang presyo depende kung sino nagbenta. So yun po ang pinaimbestigahan ni Presidente.”

Mahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Profiteering Law at Bayanihan to Heal as One Act ang mag-asawa. Binigyan lamang ng pangulo ng tatlong araw ang NBI upang isagawa ang imbestigasyon at iulat sa publiko ang mga nakalap na impormasyon.

Naunang pinuna ni Senador Panfilo Lacson ang naturang anomalya nang sinabing ang pagbili ng mga automated extraction machine mula sa manufacturer na Sansure Biotech ay nagkakahalaga lamang ng P1.75 milyon, malayong-malayo sa P4 milyon na binayaran ng pamahalaan.

Iginiit naman ni Lao na napagpasyahan ng pamahalaan na bumili sa isang kumpanya sa Hong Kong na nagbebenta nga mga produkto ng Sansure.

LATEST

LATEST

TRENDING