WHO: Contact tracing sa Pilipinas, mabagal

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

I would say we are slow (Sasabihin kong mabagal tayo)”. Ito ang naging payahag ni Dr. Socorro Escalante, acting representative ng World Health Organization (WHO), sa isang online forum na isinagawa ng Philippine College of Physicians nang tanungin ito tungkol sa estado ng contact tracing sa bansa.

Ayon kay Escalante, ang mabagal na pagresponde ng pamahalaan sa contact tracing ay hindi nakakatulong sa laban kontra Covid-19. Giit niya, “We need to push harder and we really need to work harder (Kailangan nating mag doble kayod)”.

Binigyang diin ni Escalante na kinakailangang umpisahan ang contact tracing ora mismo sa pagpasok ng isang suspect case sa ospital sa halip na sa paglabas ng lab results ito isasagawa upang maagapan kaagad ang posibleng panghahawa sa iba ng pasyente.

Naunang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na inatasan ito upang magsagawa ng contact tracing sa local government unit (LGU) level. Ayon sa healthcare group na Coalition for People’s Right to Health, ito ay sumasalamin lamang sa kakulangan ng tauhan sa DOH upang magsagawa ng contact tracing at quarantine.

Dagdag pa ni Escalante, kailangang paigtingin ang contact tracing upang epektibong maagapan ang paglala ng hawaan sa Covid-19.

Wika niya, “Bottomline is we have the capacity and the system but we need to make that system function well. A half-functional system is not going to help us beat COVID-19 (Mayroon tayong kapasidad at sistema, subalit kailangan nating paganahin ng maayos ang sistema. Hindi tayo magwawagi sa laban kontra Covid-19 kung kalahati lamang ang gumagana)”. 

Bagama’t malinaw ang naging pagkukulang ng pamahalaan sa mass testing at contact tracing, sinabi ni National Task Force (NTF) against Covid-19 Chief Implementor Secretary Carlito Galvez na napagtatagumpayan ng bansa ang laban nito kontra Covid-19.

Ilang mga mananaliksik mula sa University of the Philippines (UP) ang nagbabala na ang maagang pagbubukas ng ekonomiya – lalo na’t walang mass testing – ay maaaring magresulta sa 24,000 na mga panibagong kaso ng Covid-19 at 1,700 na kamatayan sa darating na Hunyo.

Noong Mayo 25, nagpasya ang Metro Manila Council, na kinabibilangan ng lahat ng alkalde sa Kalakhang Maynila, na pabor ito sa panukalang pagpapatupad ng general community quarantine (GCQ) sa Kamaynilaan pagkatapos ng modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa tala noong hapon ng Mayo 25, aabot na sa 14,319 ang mga nagpositibo sa nakamamatay na sakit. Sa bilang na ito, 873 na ang nasawi.

LATEST