“Second peak” at hindi “second wave” posibleng maranasan sa hinaharap tungkol sa estado ng Covid-19 pandemic sa buong mundo, ayon sa World Health Organization (WHO).
Ayon kay Dr. Mike Ryan, executive director ng Health Emergencies Programme sa WHO, kasalukuyang nasa kalagitnaan ng unang bugso ng Covid-19 infections ang mundo.
Dagdag pa ni Ryan, “We need to be also cognizant of the fact that the disease can jump up at any time. We cannot make assumptions that just because the disease is on the way down now that it’s going to keep going down, and the way to get a number of months to get ready for a second wave – we may get a second peak in this way (Dapat nating malaman na maaaring tumaas ang bilang ng mga kaso anumang oras. Hindi dapat makampante dahil sa mga naibabalitang pagbaba ng mga kaso. Maaaring makaranas tayo ng ‘second’ peak sa hinaharap”.
Nagbabala si Ryan na posibleng dumating ang second peak o wave sa normal influenza season kung saan maaaring mahirapan ang pagresponde ng mga frontliners.
Sinabi naman ni Maria Van Kerkhove, isang WHO infectious disease epidemiologist, na dapat maging “high-alert” palagi ang lahat ng mga bansa at kinakailangang handa itong magsagawa ng testing kahit pababa na ang bilang ng mga naiuulat na kaso sa Covid-19.
Binigyang diin ni Van Kerkhove na mabilis ang hawaan sa coronavirus kung hindi magpapatupad ng mga agarang hakbang upang mapigilan ito.