Tokhang, tuloy pa rin sa kasagsagan ng lockdown

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
Larawan mula sa: Official Gazette

Bagama’t namamayagpag ang community quarantine sa buong bansa, hindi nito napigilan ang pagkakaroon ng 53 drug-related na patayan sa buong kapuluan simula nang isailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) ang Kalakhang Maynila noong Marso 15.

Sa isang press briefing noong Marso 17, binanggit ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Debold Sinas na suspendido ang Tokhang habang nasa quarantine ang ilang bahagi ng bansa. Sinabi rin nitong ibabaling ang atensyon ng pulisya sa mga bigating salarin o mga sangkot sa bulk manufacturing at distribusyon ng ilegal na droga.

Kahit dalawa sa mga patayang naitala ay hindi mula sa opisyal na operasyon ng pulis, ang mariing tindig ng mga awtoridad sa Oplan Tokhang ay nag-udyok sa mga vigilante na dalhin ang batas sa kanilang mga kamay.

Mula Marso 15 hanggang Mayo 5, sinubaybayan ng mga mananaliksik mula sa Third World Studies Center ng University of the Philippines Diliman at ng Department of Conflict and Development Studies ng Ghent University (Belgium) ang mga naging patayang konektado sa ilegal na droga sa Pilipinas.

Ayon sa datos nito, maliban sa pitong kaso, ang natitirang bilang ng mga patayang naganap ay sa kalagitnaan ng ECQ. South Cotabato ang may pinakamataas na bilang ng drug-related killings na papalo sa 11. Siyam ang nasawi sa kasagsagan ng ECQ (Marso 23 hanggang Abril 30), at dalawa pa sa general community quarantine (Mula Abril 30).

Mahigit kalahati ng mga patayan ay nagmula sa Luzon – 10 sa Bulacan, anim sa Metro Manila, tatlo sa Laguna, at tig-lilima sa Cavite at Nueva Ecija.

Sa kabuuang 53 na patayan, 42 ang isinagawa ng mga operatiba. Sinamahan naman ang mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang pulis sa lima nitong operasyon. 39 ang nasawi bunsod ng buy-bust operations habang tatlo ay sa di-planadong operasyon.

Sa pamamayani ng mga pulis sa mga lansangan bunsod ng lockdown, 10 patayan ang nagmula sa kamay ng mga vigilante, na walang pahintulot mula sa pamahalaan.

Hindi na bago ang patuloy na pag-arangkada ng Tokhang at iba pang patayang konektado sa ilegal na droga kasabay ang panahon ng krisis o kalamidad. Halimbawa na lamang noong October 2016 kung saan dalawa mula sa 131 na kabuuang bilang ng patayan ay nagmula sa rehiyong matindig pininsala ni Super Typhoon Lawin (Haima).

Inaasahang magpapatuloy pa rin ito sa mga darating na araw. Makikita ang iba pang resulta ng isinagawang pananaliksik ng UP at Ghent University sa dahas.upd.edu.ph.

LATEST

LATEST