Meralco, maglalabas ng bagong “meter-based” bill sa Hunyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Maglalabas ang Manila Electric Co (Meralco) ng panibagong bill para sa buwan ng Hunyo base sa actual meter reading, para sa buwan ng Marso, Abril at Mayo kung kailan ipinatupad ang lockdown.

Ayon kay Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga, hindi na kailangang bayaran ang mga natanggap na bills mula Marso 1 hanggang Mayo 31, kung saan nakabase ito sa estimated average, dahil suspendido ang physical reading sa kasagsagan ng lockdown. Ibig sabihin, walang nang bisa ang mga bills na natanggap noong Marso, Abril, at Mayo.

Ang bagong bill na ilalabas sa susunod na buwan, na may actual physical reading, ay maaaring bayaran sa pamamagitan ng installment basis mula Hunyo 15 alinsunod sa utos ng Energy Regulatory Commission.

“Yung bill para sa installment ipapadala po ‘yan ng hiwalay sa bill ng current June consumption. Ang mga hindi nakabayad ng 3 buwan, installment na po ‘yan starting June 15 hanggang November 15”, paglilinaw ni Zaldarriaga.

Dagdag pa niya, “Ang importante, ang main point dito, gagawin ang meter reading sa May at magkakaron ng 0 percent installment para kahit papano yung mga kababayan natin hindi mag-alala sa bill shock na natanggap nila”.

Maraming Pilipino ang nagreklamo kamakailan dahil sa “bill shock” bunsod ng pagpapatupad ng averaging scheme ng Meralco, kung saan ibinase ito sa huling tatlong buwan ng pagkonsumo bago suspendihin ang physical reading sa pag-iral ng lockdown.

Naglabas ng mga bagong patakaran ang Energy Regulatory Commission noong Mayo 22 na nag-utos sa mga utility distributors na maglabas ng bills batay sa actual meter reading.

Ilang adjustments ang isasaalang-alang sa actual meter reading para sa mga consumer na nakapagbayad na ng kanilang bayarin.

LATEST

LATEST

TRENDING