Maaaring ipatupad ang modified general community quarantine (MGCQ) sa Kalakhang Maynila sa darating na Hunyo 1 bilang pagtugon sa muling pagbubukas ng ekonomiyang naparalisa ng Covid-19 krisis.
Ayon kay Metro Manila Development Authority (MMDA) General Manager Jojo Garcia, mas praktikal ang pagsasagawa ng isang “sector-specific lockdown” kung itutuloy ng pamhalaan ang hakbang sa MGCQ. Kung maipapatupad, mapapasailalim ang Kamaynilaan sa pinakamaluwag na uri ng lockdown.
Dagdag pa ni Garcia, ang posibleng ipasailalim sa nabanggit na “sector-specifi lockdown” ay mga purok sa loob ng isang barangay sapagkat may mga barangay na mataas ang populasyon kaya hindi maaaring i-lockdown. Binigay nitong halimbawa ang isang barangay sa Quezon City na aabot sa 200,000 ang populasyon.
Ilang bahagi sa Quezon City ang isinailalim sa 14-day special concern lockdown simula Mayo 13 dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa Covid-19. Ang Quezon City ang may pinakamataas na populasyon sa lahat ng lungsod sa Kamaynilaan at ito rin ang may pinakamataas na bilang ng mga Covid-19 cases sa buong National Capital Region (NCR), ayon sa Department of Health (DOH).
Naunang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipapasailalim ang Kalakhang Maynila sa GCQ sa halip na MGCQ. Subalit, iginiit nitong dapat panatilihin pa rin ang paghihigpit sa mga lugar na may mataas na bilang ng mga Covid-19 cases.
Kasalukuyang nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Mayo 31 ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan at iba pang mga lalawigang itinuturing na “high-risk”.
GCQ naman ang umiiral sa mga lugar na “low-risk”. Sa ilalim nito, hindi pinapayagang lumabas ang mga residenteng 21-anyos pababa at 60-anyos pataas; mga buntis; at mga may malulubhang karamdaman, maliban na lamang kung sila ay bibili ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Magpupulong muli ang Metro Manila Council (MMC), na kinabibilngan ng lahat ng alkalde sa NCR, sa Mayo 27 upang bumuo ng rekomendasyon tungkol sa estado ng lockdown sa rehiyon. Iginiit ni MMC Chairman Edwin Olivarez na dapat balansehin ang pagpapaluwag ng lockdown sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan ng pamahalaan.
Umabot na sa mahigit 14,000 ang kumpirmadong nagpopositibo sa Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, mahigit 800 na ang nasawi habang mahigit 3,000 naman ang gumaling.