Naglunsad ng online petition noong Mayo 22 na balak isumite sa Kamara ang ilang empleyado ng ABS-CBN na nananawagan na mabigyang muli ng prangkisa ang broadcast network.
Natapos ang prangkisa nito noong Mayo 4, na nagresulta sa pagpapataw ng cease and desist order mula sa National Telecommunications Commission (NTC) para sa tuluyang pagtigil operasyon ng network. Hanggang ngayon, wala pa rin sa ere ang ABS-CBN.
Parehong sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Pangulong Rodrigo Duterte — na running mates noong 2016 elections — ang nagpahayag ng kanilang mga personal na hinanaing laban sa network. Sinabi naman ng Palasyo kamakailan na “neutral” na di umano ang pangulo sa isyung kinakaharap ng ABS-CBN.
Ayon sa petisyon, “We are among the thousands who are worried and will be affected if ABS-CBN shuts down. We all have families who depend on our work (Ilan kami sa libu-libong maapektuhan kung hindi na magbubukas ang ABS-CBN. May pamilya kaming umaasa sa amin).”
Dagdag pa,“We want ABS-CBN to continue its operations, not only because it serves as our main source of livelihood, but because for most of us, the company’s happy working environment and the management’s fair practices have encouraged us to continue to be in the service of the Filipino (Gusto naming magbukas muli ang ABS-CBN hindi lamang dahil dito kami nagtatrabaho, kung hindi dahil na rin sa masaya at maayos na pamamalakad ng pamunuan na nagbibigay inspirasyon sa amin na ipagpatuloy ang paglilingkod sa Pilipino)”.
Inamin ng kumpanya na posible nitong tanggalan ng trabaho ang ilang manggagawa kung magpapatuloy pa rin ang tigil-operasyon hanggang Agosto.
Ayon sa datos ng labor group na Defend Jobs Philippines, mayroong 6,730 regular at 900 non-regular na empleyado ang network. Mahigit 3,325 naman ang mga talent nito sa dulo ng 2018.
Sa ngayon, mahigit isang milyong pirma na ang nakalap ng naturang petisyon sa loob lamang ng 24 oras. Maaaring itong mabasa at makita sa kapamilyaforever.com.