Inaasahang isusumite ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kamara sa Mayo 25 ang ika-9 nitong ulat alinsunod sa utos na nakasaad sa Bayanihan to Heal as One Act.
Ilan sa mga impormasyong inaasahan sa ulat ay hinggil sa distribusyon ng pangalawang bugso ng ayudang pinansyal para sa mahihirap mula sa social amelioration program (SAP).
Sa nakaraang ulat, tinatayang 17 milyong mahihirap ang nakatanggap ng ayudang aabot sa ₱5,000 hanggang ₱8,000. Subalit, mga 900,000 sa mga itinalagang benepisyaryo ang hindi pa rin nabibigyan. Aabot naman sa 2.65 milyong empleyado ng small business ang nakatanggap mula sa unang bugso ng ayudang pinansyal.
Pormal na idinagdag ng Malacañang ang limang milyong karagdagang benepisyaryo para sa kabuuang bilang na 23 milyon. Naunang ipinahayag ng pamahalaan na bibigyan lamang nito ng ayuda ang mga nakatira sa mga lugar na may enhanced community quarantine (ECQ). Subalit, nagbago ito ng isip at sinabing maaari na ring lumahok ang mga nakatira sa general community quarantine (GCQ) areas.
Ilang mga empleyado ng maliliit na negosyo ang nakatanggap ng cash assistance mula sa small business wage subsidy, subalit ang mga nakatanggap na ng ayuda mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) ay maaari na lamang makatanggap ng hanggang P3000 sa pangalawang bugso.
Inaasahan din sa paparating na ulat ang pagbibigay ng update ukol sa paggastos sa iba pang programa ng pamahalaan bilang pagtugon sa krisis na hatid ng Covid-19.
Noong Marso, binigyan ng Kongreso si Duterte ng karagdagang kapangyarihan upang mas mapabilis nito ang pagresponde ng gobyerno kontra Covid-19. Kaakibat nito ang responsibilidad na magsumite ng ulat bawat linggo kung anu-ano ang mga naging hakbang ng pamahaalan sa paghawak nito sa krisis.