Duterte: Bilisan ang pagproseso sa test results ng OFWs

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang linggong deadline ang Department of Labor and Employment (DOLE), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Health (DOH) na bilisan ang pagproseso sa Covid-19 test results ng aabot sa 24,000 na mga overseas Filipino workers (OFWs), na ngayon ay nananatili sa mga quarantine centers sa Metro Manila, upang sila ay makauwi na.

Dagdag pa ni Presidential Spokesperson Harry Roque, “Puwede nilang gamitin ang lahat ng resources ng gobyerno at gamitin nila ang lahat ng pamamaraan ng transportasyon, bus, mapa-eroplano, mga barko, para mapauwi na ang mga OFWs”.

Binanggit din ng tagpagsalita ng pangulo ang pagnanais ni Duterte na palakasin ang testing sa buong bansa. Aniya, “Nagsabi din ang ating Pangulo na kinakailangan palakasin ang PCR [polymerase chain reaction] testing sa iba’t ibang lugar sa PIlipinas, hindi lamang sa Metro Manila nang sa ganon, pupuwede nang umuwi diresto sa kanilang mga probinsiya ang mga OFWs at doon na sila magpakuha ng PCR Covid-19 test”.

Inaasahan ng pangulo na makakauwi na ang mga stranded ng OFWs sa loob ng isang linggo na kasalukuyan ay nananatili sa mga quarantine facilities sa Kamaynilaan. Ayon sa pangulo, “hindi katanggap-tanggap” ang matagal na pag-aantay ng mga OFWs sa kanilang test results.

Alinsunod sa ipinatutupad na mga patakaran, kinakailangang sumaialalim sa mandatoryong 14-day quarantine ang lahat ng nagsisipagbalikang mga OFWs sa bansa. Subalit, marami ang nagrereklamo dahil sumusobra sa 14 na araw ang pananatili ng mga balikbayan sa nasabing quarantine facilities bunsod ng pagkaantala ng kanilang Covid-19 test results.

Noong nakaraang linggo, nangako naman si Roque na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang pabilisin ang pagproseso ng mga naturang test results. Sinabi niya ito matapos magbabala si Presidential Peace Adviser at National Task Force on Covid-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. na baka hindi kayanin ng ating mga ospital at quarantine facilities ang pagdating ng aabot sa 42,000 na OFWs.

Ayon sa huling datos, 30,000 OFWs na ang sumailalim na PCR testing at 600 sa mga ito ang nagpositibo sa Covid-19. 500,000 OFWs ang inaaasahang uuwi sa bansa ngayong taon, dagdag pa ni Galvez.

LATEST

LATEST

TRENDING