Makararanas ng biglang pagtaas sa bilang ng mga nagpopositibo sa Covid-19 ang Kalakhang Maynila kung agaran nitong papaluwagin ang mga itinakdang quarantine restrictions, ayon sa ilang mga mananaliksik mula sa University of the Philippines (UP).
Nirekomenda ng mga mananaliksik ang patuloy na pagpapatupad ng mga mahahalagang paghihigpit sa National Capital Region (NCR) at Cebu City; at pagpapalawig nito sa iba pang mga high-risk areas kung kinakailangan.
Ayon sa ulat na pinamagatang “COVID-19 Forecasts in the Philippines: Post-ECQ Report”, “Our goal ultimately is not just to flatten the curve but to bend it downwards (Ang layunin natin ay hindi lamang para ma-flatten ang curve kundi upang mapakurba ito pababa)”.
Binigyang pansin din ng mga mananaliksik ang sitwasyon sa Zamboanga City, Batangas at Davao City na nangangailangan ng “close monitoring” sapagkat nananatiling seryoso ang banta ng Covid-19 sa naturang mga lugar.
Iginiit din ng mga ito na kinakailangan pa ring maging mapagmatyag ang mga sumasailalim sa general community quarantine (GCQ) upang maiwasan ang posibleng paglaganap ng mga panibagong kaso ng Covid-19.
Low, medium, at high risk ang ginawang klasipikasyon ng UP researchers sa mga lugar ng buong kapuulan.
Maituturing na high-risk areas ang Batangas, Cebu City, Davao City, Metro Manila at Zamboanga City.
Pasok sa medium risk ang Lapu Lapu City, Mandaue City, Laguna, Oriental Mindoro at Samar.
Kabilang naman sa mga low-risk na lugar ang Albay, Antique, Bataan, Benguet, Bulacan, Camarines Norte, Camarines Sur, Cavite, Ifugao, Iloilo, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Nueva Ecija, Occidental Mindoro, Pampanga, Quezon, Rizal, Romblon, Tarlac at lalawigan ng Cebu (maliban sa Cebu City, Mandaue City at Lapu Lapu City.
“All other provinces not indicated have no new COVID-19 cases for the week May 10 to 16, are in the safe category (Ang iba pang mga lalawigang hindi nabanggit, na hindi nakapagtala ng panibagong kaso mula Mayo 10 hanggang 16 ay nasa ‘safe category’”, dagdag pa ng ulat.
Habang wala pang natutuklasang bakuna, inerekomenda ang pagpapalakas sa sistema ng kalusugan ng bansa upang matiyak na may sapat na kakayanan itong mag-detect, magtest, mag-isolate, mag contact trace, at manggamot sa bawat pasyente ng Covid-19 sa bansa.
Kinakailangan ding sundin ang physical distancing at health safeguards lalong lalo na sa mga mall at establishimentong pinayagang magbalik-operasyon sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Tinawagang pansin naman ng mga mananaliksik ang mga opisyal ng gobyerno na mag-komisyon ng mga pag-aaral tungkol sa paggalaw ng mga tao sa ilalim ng quarantine upang makapagbigay-impormasyon ukol sa posibilidad ng “resurgence”.
Ang naturang ulat ay pinangunahan ni Guido David mula sa Institute of Mathematics, assistant professor Ranjit Singh Rye ng Department of Political Science, at Ma. Patricia Agbulos, associate mula sa OCTA Research.