Ang mga stranded na nais makauwi sa kani-kanilang mga bayan o lungsod ay kinakailangan lamang magpresenta ng medical certificate at travel authority, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa ahensya, dapat munang kumuha ang medical certificate sa health office ng local government unit (LGU) kung saan kasalukuyang stranded ang isang indibidwal bago sila makakuha naman ng travel authority mula sa police stations o PNP Help Desks.
Inutusan ang mga police stations sa buong bansa na magtalaga ng mga help desk upang mas makapag-abot ng tulong sa mga mamamayan sa kasagsagan ng pandemiya.
Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, hindi kailangang sumailalim sa rapid test o PCR test para sa Covid-19 bago makakuha ng medical certificate. Aniya, “Itong medical certificate ay nagsasaad lamang na hindi kayo contact, suspect or probable or confirmed COVID-19 case at nakasaad din na kayo ay nag 14-day quarantine, base sa protocols ng DOH (Department of Health),”
Sa isang pahayag sa press, sinabi ng kagawaran na sa ilalim ng mga patakaran, ang mga stranded na indibidwal na nagnanais umuwi sa isa pang barangay sa loob ng parehong munisipalidad o lungsod ay kinakailangang kumuha ng travel authority mula sa municipal o city police chief.
Ang mga uuwi naman sa iba pang bayan, lungsod, o lalawigan ay kailangang kumuha ng travel authority mula sa Police Provincial Director’s Office. Samatala, ang mga babiyahe sa iba pang lalawigan at rehiyon ay kailangang kumuha ng travel authority mula sa Police Regional Director.
“Ito lang po ang dalawang dokumento na kailangang ipakita ninyo doon sa inyong lugar kung saan kayo uuwi. Tatanggapin kayo ng inyong local government unit kung meron po kayong dalawang dokumentong ito,” paglilinaw ni Malaya.
Sinabi ng DILG na ang mga stranded na indibidwal ay parehong mga banyaga at Pilipinong kinabibilangan ng mga construction at domestic workers, turista, estudyante, mga na-stranded habang nasa biyahe, at mga nagnanais makauwi sa kani-kanilang mga tahanan.
Binanggit din ni Malaya na nakatanggap sila ng mga ulat tungkol sa pagsingil ng mga LGU ng P3000 kapalit ang pagbibigay ng medical certificate.
“Kung na-stranded na nga sila at hihingan pa natin sila ng napakalaking halaga ay that defeats the entire purpose of seeking a medical certification. Gusto na pong makauwi nitong ating mga kababayan. Sana, po wag na nating pahirapan pa sila,” giit niya.
Para sa mga katanungan tungkol sa travel authority, maaaring makipag-ugnayan sa PNP Command Center sa 09988490013 para sa Smart users, at 09175382495 para naman sa Globe subscribers.