Bagong barkong pandigma ng Pilipinas, dumating na sa Subic

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Ang BRP Jose Rizal ang kauna-unahang  “missile-capable warship” ng bansa.

Ang itinuturing na kauna-unahang  “missile-capable warship” ng Pilipinas ay nakarating na sa Subic, Zambales matapos ang limang araw na paglalakbay mula South Korea.  Ang barkong FF150 ay papangalanang “BRP Jose Rizal” sakaling mag-umpisa na ito sa serbisyo.

Noong Mayo 23, ginawaran ng karangalan si “Jose Rizal” kasama ang ibang barko ng Philippine Navy na BRP Quezon at tatlo pang multipurpose assault crafts.

Ayon kay Commander Offshore Combat Force Commodore Karl Decapia, na nangasiwa sa seremonya ng pagdating ng barkong pandigma, isa itong hakbang para sa pagtataguyod ng isang modernong Hukbong Dagat na may kakayanang protektahan ang teritoryo ng bansa.

Habang nakadaong, sasailalim ang crew nito sa mandatory 14-day quarantine alinsunod sa mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan kontra Covid-19.

Si “Jose Rizal” ay may maximum designed speed na 25 knots, cruising speed na 15 knots, at range na 4,500 nautical miles. Naipasa rin nito ang mga isinagawang sea trials at sea acceptance test.

Ang BRP Jose Rizal ay isa sa dalawang frigate na kinontrata sa Hyundai Heavy Industries shipyard sa lungsod ng Ulsan, South Korea. Itinakda itong maitahid noong Abril ngunit naantala dahil sa paglaganap ng Covid-19.

 Ang pangalawang frigate naman, na papangalanang BRP Antonio Luna (FF151), ay inaasahang darating sa bansa sa dulo ng taon.

LATEST

LATEST

TRENDING