VP Leni: Marawi, hindi pa rin nakakabangon

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Tinawagang pansin ni Pangalawang Pangulo Leni Robredo ang pamahalaan na pabilisin nito ang pag-arangkada sa rehabilitasyon ng Marawi matapos itong mawasak dahil sa digmaan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at teroristang pangkat na Maute nong 2017.

Sa kanyang Facebook page, ipinahayag ni Robredo na ilang pamilya pa rin ang nananatiling nakatira sa mga temporary shelters makalipas ang halos tatlong taon. Aniya, “To this day, the city lies in ruins, and its people’s lives are frozen in time (Hanggang ngayon, lantad pa rin ang pagkasira ng lungsod, at hindi pa rin nagbabago ang kalagayan ng ating mga kababayan doon”.

Tinuligsa ni Robredo ang naging aksyon ng pamahalaan sa Marawi na di umano’y labis ang kabagalan. Iginiit din niyang nahaharap sa peligro ang mga naninirahan pa rin sa mga temporary shelter dahil sa patuloy na banta ng Covid-19.

Nakiusap rin ng Liberal Party (LP), na pimumunuan ni Robredo, na payagang muli ang mga pamilyang makauwi sa kani-kanilang mga tahanan. Tinatayang nasa 80,000 ang mga apektadong residente sa lungsod.

 “’Tatlong taon na, bakwit pa rin kami. We cannot understand why the government is still not allowing us to go home.’ ‘Yan ang mga sinasabi nila sa atin. Sana payagan na silang makabalik sa mga tahanan nila at maitaguyod ulit ang kanilang buhay at kabuhayan,” wika ni LP president Senador Francis Pangilinan sa isang pahayag.

Sinusuportahan naman ni Pangilinan ang rekomendasyon ng ilang Mindanao-based NGOs na pabilisin ang rehabilitasyon ng nawasak na lungsod. Isa sa mga hakbang ang pagtatalaga sa mga NGOs bilang monitoring groups at tagapagbigay ng ayuda sa mga residente ng Marawi at ilang pribadong establishimento.

Samantala, pinangunahan naman ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army kamakailan ang pag-aalay ng bulaklak sa “Heroes Wall” para sa 168 na kasamahang nasawi sa digmaan.

“Ang atin pong prayers are for the eternal repose ng ating heroes. At pagtawag po ng proteksiyon ng ating Panginoon sa ating kasundalohan at sa pagpatuloy ng kapayapaan na natatamasa ngayon sa probinisya ng Lanao del Sur at Marawi City na ito ay tuloy-tuloy na po para wala nang mag-hamper sa development ng ating probinsiya at siyudad ng Marawi City,” sinabi ni Col. Jose Maria Cuerpo II, commander ng 103rd Infantry Brigade.

Ayon naman kay Task Force Bangon Marawi chairperson at Housing Secretary Eduardo del Rosario, inaprubahan na ang 2020 badyet para sa rehabilitasyon ng Marawi na tinatayang nasa P3.56 bilyon.

Giit niya, “Kaya umasa kayo na sa pagpasok ng buwan ng Hulyo, full blast na ang paggawa ng mga proyekto”.

Limang buwan ang itinagal ng putukan sa pagitan ng mga sundalo at mga miyembro ng Maute group na ikinamatay ng mahigit 1,000 katao, na karamihan ay mga terorista, at ikinasira ng lungsod ng Marawi.

LATEST

LATEST