GCQ sa buong bansa, posibleng ipatupad sa Agosto – Palasyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Posibleng ipatupad ang general community quarantine (GCQ) sa buong kapuluan kung susundin ng taumbayan ang mga itinalagang patakaran kontra Covid-19, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

Aniya, “We’re hoping that by August 24, which is the mandated day para mag-simula ang mga public school, ay nasa GCQ na po ang buong Pilipinas”.

Sa isang pahayag naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) – Philippines, sinabi nitong may pangamba ang mga magulang, guro, at mag-aaral na baka magkaroon ng hawaan kung agarang ipatutupad ang naturang hakbang.

Depensa naman ni Roque,Hinding-hindi po natin ilalagay sa aberya ang ating mga kabataan. Kung kinakailangan pong huwag buksan dahil mataas pa ang mga kaso o nagkaroon ng second wave, eh siguro po magkakaroon ng ganiyang desisyon”. 

Inaasahan ang magaganap na pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kasama si Pangulong Rodrigo Duterte sa Mayo 22 upang talakayin ang magiging kapasyahan tungkol sa community quarantine sa bansa.

Kasalukuyang umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila Laguna, Bataan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales, at Angeles City. Nananatili namang nasa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod ng Cebu at Mandaue habang nasa GCQ na ang natitirang bahagi ng bansa.

May sampung araw ang IATF-EID upang magpasya at magrekomenda kay Pangulong Duterte hinggil sa implementasyon ng ECQ, MECQ, at GCQ sa bansa.

LATEST

LATEST