Rapid test kits (RTKs) para sa mga asymptomatic na pasyente ng Covid-19 ang nakikitang solusyon ng isang tagapayo ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makatulong na labanan ang paglaganap ng nakamamatay na sakit.
Sinabi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na 500,000 RTKs na binili mula sa 200 na iba’t-ibang kumpanya ang dumating sa bansa na gagamitin upang matest ang kanilang mga empleyado nang libre sa ilalim ng Project ARK (antibody rapid test kits) na pinangungunahan ng pribadong sektor. Tinatayang dalawang linggo ang itatagal ng naturang testing. Dahil sa kakulangan ng pasilidad at ilang equipment, sinabi ni Concepcion na makatutulong ang mga nakuhang RTKs sa pagpapataas ng testing rate ng bansa dahil matetest nito ang mga asymptomatic na pasyente.
Habang pinayagan na magbalik-operasyon ang ilang mga negosyo sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) at general community quarantine (GCQ), inabisuhan naman ang mga kumpanya na itest ang kani-kanilang mga empleyado sa papamamagitan ng polymerase chain reaction (PCR) testing, lalo na ang mga may sakit at sintomas. Ito ay kahit taliwas ito sa pamantayang itinalaga ng Department of Health (DOH) na may sintomas ng Covid-19 lamang ang pinapayagan sa PCR-test.
Ayon sa mga dalubhasa, maituturing na “gold standard” ang PCR testing dahil mas eksakto ang resulta nito kumpara sa RTKs. Subalit, mas mahal naman ang PCR-test dahil ito ay nagkakahalaga ng aaabot sa P4,000 hanggang P8,000, samantalang nasa P400 lang ang RTKs. Mas kumplikado rin ang PCR testing sapagkat kinakailangan nito ang mga laboratoryo, makina, at medical staff upang maisagawa ang proseso ng pagtetest.
Sa isang online forum noong Mayo 20, sinuportahan ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Luz Quimbo ang paggamit ng mga RTKs habang sabay giit ang pangangailangang palakasin ang PCR testing.
Ayon sa mambabatas, posible ang false negative result rate ng 15% sa mga RTKs. Subalit, sinabi niyang mas mabuti pa rin ito kumpara sa walang mass testing dahil makatutulong ito sa pagtutukoy ng mga asymptomatic na pasyente.