Pahayag ni Duque tungkol sa “second wave”, opinyon lamang – Palasyo

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
President Rodrigo Roa Duterte confers with Health Secretary Francisco Duque III while holding a meeting with the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at the Malacañan Palace on March 9, 2020. ROBINSON NIÑAL JR./PRESIDENTIAL PHOTO

Nasa unang alon pa rin ng Covid-19 pandemic ang Pilipinas, paglilinaw ng Malacañang noong Mayo 21, matapos ang naging pahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Franscisco Duque III na nasa pangalawang alon na ng Covid-19 infections ang bansa.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, nagkaroon lamang ng “ibang opinyon” si Duque sa mga naging pahayag nito sa isang senate hearing. Aniya, “Sabihin na lang natin hindi nagkamali, kundi nagkaroon ng kakaibang opinyon”.

Sinabi ni Roque na hindi ipinagbigay-alam ni Duque sa Palasyo ang naturang opinyon. Humingi naman ng tawad ang tagapagsalita ng pangulo hinggil sa kalituhang idinulot ng naturang pahayag.

Ayon sa naturang “opinyon” ni Duque noong Mayo 20, nag-umpisa ang “first-wave” noong nakapagtala ng unang tatlong kaso ang bansa dahil sa mga nagpositibong pasyenteng nagmula sa Wuhan, China, ang pinagmulan ng nakamamatay na sakit. Noong Marso raw nag-umpisa ang “second wave” sa pagtaas ng mga nagpopisitibo sa sakit, ayon sa isang eksperto.

Subalit, iginiit ni Roque na hindi dapat ituring na “wave” ang mga unang naitalang kaso sapagkat hindi ito “community-acquired cases” na nakuha sa mahabang panahon. Dagdag pa niya, “Ang medisina para rin mga abogado ‘yan. Iisa lang ang batas namin, iba-iba ang interpretasyon. Ganyan din po siguro sa medisina, iisa ang siyensya, iisa ang datos, iba ang basa”.

Gayunpaman, tiniyak ni Roque na nagkakaisa ang lahat ng miyembro ng pamahaalan sa mga ginagawang hakbang nito kontra Covid-19.

Sa datos noong Mayo 20, aabot na sa 13,221 ang tala ng mga nagpopositibo sa Covid-19, isa sa pinakamataas na bilang sa Timog-Silangang Asya. Sa nasabing bilang, 842 na ang nasawi habang 2,932 na ang gumagaling.

Ayon naman kay Usec. Maria Rosario Vergeire ng DOH,  patuloy ang pagtaas ng mga kaso sa average na 220 kada araw. Binalaan naman ng ilang opisyal at dalubhasa na posibleng magkaroon ng biglaang pagtaas ng mga nagpopositibo sa sakit, kung agarang papaluwagin ang mga quarantine restrictions sa mga high-risk na lugar.

LATEST

LATEST

TRENDING