Medialdea: Pilipinas, wala pa sa “second wave”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Executive Secretary Salvador Medialdea

Hindi sinang-ayunan ni Executive Secretary Salvador Medialdea sa isang panayam ang naunang pahayag ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na nasa pangalawang alon na ng Covid-19 infections ang Pilipinas. Noong Mayo 20, sinabi ng kalihim sa isang Senate hearing na nasa pangalawang alon na ng pandemiya ang bansa subalit hindi nito nabanggit kung kailan ito nag-umpisa.

Hinikayat ni Medialdea ang publiko na huwag munang isipin ang naturang usapin tungkol sa “second wave” dahil wala pa namang opisyal na pahayag mula sa Malacañang. Aniya, Alam mo hindi pronouncement ‘yan ng Presidente ‘yan or ano. Kailan ba lumabas yung second wave? That we will have to see (Iyan ay aalamin pa natin)”.

Sinabi naman ni Senador Christopher “Bong” Go sa parehong panayam, na mahihirapan ang bansa sa laban nito kontra Covid-19 kung magkakaroon ng pangalawang alon.

Nagpahayag din ng hindi pagsang-ayon kay Duque si Dr. Tony Leachon, adviser ng Inter-Agency Task Force on Covid-19. Giit niya, “When you say second wave, it means you have flattened the first one. We’re still on the first wave (Kapag sinabi mong pangalawang alon, ibig sabihin na-flatten na yung nauna. Nasa unang alon pa lang tayo)”.

Noong Mayo 16, pumasailalim sa mas maluwag na modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at ilang mga lalawigan upang makatulong sa muling pagbubukas ng ekonomiya. Nananatili sa enhanced community quarantine (ECQ) ang lungsod ng Cebu at Mandaue habang nasa general community quarantine (GCC) naman ang natitirang bahagi ng bansa.

Sa datos noong Mayo 20, aabot na sa 13,221 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bansa. Sa bilang na ito, 842 na ang nasawi habang 2,932 naman ang gumaling.

LATEST

LATEST

TRENDING