Mekanismong automated ang ipapatupad ng pamahalaan sa pamimigay ng aduyang pinansyal mula sa pangalawang alon ng social amelioration program (SAP) upang mabawasan ang paghahawaan ng mga benepisyaryo at mga awtoridad.
Malaki ang ginahawang maidudulot nito ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque sapagkat hindi na kailangang pumila ng pagkatagal-tagal ang mga benepsiyaryo upang makakuha lamang ng ayuda. Aniya, “Kasi kapag in-ATM (automated teller machine) po iyan, mapupunta rin sa kanila dahil hindi na kinakailangang pumila. Mas maganda nga po ’yung ATM dahil mas matindi yung problema kapag sila ay nagkumpul-kumpulan para kunin lang ang kanilang ayuda“.
“ReliefAgad”, isang web application na inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Mayo 14, ang nakitang solusyon ng ahensya upang mas mapabilis ang distribusyon ng ayudang pinansyal. Magagamit ang “ReliefAgad” sa pagpunta sa webiste na reliefagad.ph. Sa ilalim ng “quick-relief system” na ito, mabilis ang pagkalap ng mga detalye ng SAP beneficiaries at maipapadala ang ayuda sa papamagitan ng electronic payment gamit lamang ang mga smartphone. Itinaon ang paglunsad ng programa sa hudyat na pagdagdag ng limang milyong benepisyrayo sa ilalim ng pangawalang alon ng SAP.
Nilinaw naman ni Roque na ang sistemang electronic ay limitado lamang sa mga kalungsuran. ‘Yung electronic po, ili-limit po nila iyan sa mga siyudad kasi wala naman pong naging problema doon sa mga probinsya,” paglilinaw ng tagapagsalita ng pangulo.
Inilunsad ang SAP bilang pagtugon ng pamahalaan sa mga mamamayang apektado ng Covid-19 krisis. Layunin nitong makapagbigay ng buwanang subsidiya sa mga pamilyang mahihirap sa halagang P5,000 hanggang P8,000 para sa buwan ng Abril at Mayo.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, 97% na ng SAP funds ang naipapamahagi ng mga local government unit (LGU) sa mga natukoy na benepisyaryo. Kinakailangan namang magsumite muna ang mga LGU ng kanilang liquidation reports bago ito makapamahagi muli ng ayuda sa pangalawang alon ng SAP.