Papatawan na ng value added tax (VAT) at iba pang buwis ang Netflix, Spotify, Facebook, Google, at iba pang mga global internet companies na nagsasagawa ng operasyon sa Pilipinas. Ito ay ayon sa panukalang batas na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda.
Ang House Bill 6765 o ang Digital Economy Taxation Bill, ay naglalayong mangalap ng P21.1 bilyon para sa pamahalaan. Nilinaw na Salceda na hindi ito pagpataw ng panibagong buwis sa mga naturang kumanpanya kundi ito ay upang solusyunan ang “loopholes due to ambiguities in what kind of taxes digital services are liable to (mga malalabong aspeto tungkol sa pananagutang buwis ng mga serbisyong digital)”.
Sa kanyang Facebook account, giniit ng mambabatas na hindi makatwiran ang hindi pagbabayad ng buwis ng mga banyagang kumpanya sa Pilipinas. Ayon sa kanya, aabot sa P50 bilyon ang kinikita sa ads ng Google at Facebook sa Pilipinas, subalit hindi ito nagbabayad ng VAT. Hindi rin nagbabayad ng VAT at income taxes ang Netflix na aabot sa P5 bilyon ang kinikita sa bansa.
Pinaliwanag ni Salceda na ang inihaing panukala ay hindi lilikha ng bagong buwis kundi magtatalaga lamang ng “tax administration measures”. Kung maisasabatas, magiging withholding agents para sa income tax at VAT ang mga binansagang “network orchestrators” kagaya ng Grab, Angkas, Airbnb, Lazada at iba pang may kaparehong serbisyo.
Bibigyang katiyakan din nito na ang mga serbisyong electronic sa larangan ng trade o business ay kasama rin sa mga magbabayad ng VAT. Mapapasailalim din sa naturang buwis ang digital advertising ng mga bigating kumpanya katulad ng Google, Facebook, Netflix at Spotify. Pasok din sa VAT Ang mga partners naman ng E-commerce sites tulad ng Lazada at Shopee.
Hindi naman maaapektuhan ang mga social media users na hindi mag-aadvertise sa mga nabanggit na websites. Wika ng kongresista, “Kung regular user ka lang naman, hindi ka naman apektado. If anything, these social media platforms need you, the user, to keep using, so that they could earn from digital advertising, the same way TV networks need viewers so they could get advertising contracts (Nais ng social media platforms na tangkilikin sila katulad ng pagnanais ng TV networks na tangkilin sila ng mga manood upang kumita sila sa advertising) So, the usual social media channels will definitely remain free. The whole idea that somehow, this bill will make social media networks charge users who don’t advertise, that’s a bad reading of the proposal (Mananatiling libre ang paggamit ng social media channels dahil hindi naman papatawan ng panukala ang simpleng user).”
Pinaplano rin ng bansang Indonesia ang pagpataw ng 10% VAT sa serbisyong digital na pag-aari ng mga banyagang kumpanya. Halos pareho rin ang ginawang hakbang ng France kaya naman pinatawan ng karagdagang taripa ng Estados Unidos ang mga produkto nito bilang pagganti.