GCQ sa Kamaynilaan habang walang mass testing, posibleng maging “worst case scenario”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media
DOH Secretary Franciso Duque III

“Worst-case scenario” ang larawang ipipinta ng Kalakhang Maynila kung magkakaroon ito ng panibagong alon ng Covid-19 infections, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III. Giit niya, ito ay posibleng mangyari kung papasailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila nang walang ipinatutupad na mass testing.

Ipinahayag ito ng kalihim matapos tanungin ni Senador Sherwin Gatchailian kung ano ang magiging “worst case scenario” sakaling mas paluwagin pa ang quarantine measures na umiiral sa Kamaynilaan. Kasalukuyang nasa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang dulo ng Mayo ang buong Metro Manila.

Iminungkahi naman ni Duque ang paggamit ng “risk severity rating” sa pagsubaybay ng Covid-19 cases sa mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad. Sa naturang sistema, “severe risk rating” ang makukuha ng lalawigang makapagtatala ng 25 Covid-19 cases. 15 naman ang kinakailangan sa highly-urbanized cities habang 10 lamang para sa chartered cities o mga munisipalidad.

Ayon kay Duque, mas maigi rin ang localized lockdowns kumpara sa malakihang lockdown sakaling lalaganap ang pangalawang alon ng mga impeksyon sa bansa. “We have a strategy of localized lockdown measures. This is not the large scale lockdowns, but our quarantine measures will be more focused instead (Mayroon tayong sistema ng localized lockdown. Sa halip na malawakan, mas nakatutok ang isasagawa natin ngayon),” paliwanag ni Duque kay Senador Lito Lapid nang tanungin ito sa magiging hakbang ng pamahalaan sakaling tumaas muli ang bilang ng mga kaso.

Dagdag pa ng kalihim, “For example, in one barangay, if two households would test positive, then that’s where the lockdown will happen (Halimbawa, sa isang barangay, dalawang pamilya ang magpopositibo, doon natin ipapatupad ng lockdown)”.

Sinabi naman ni Covid-19 National Task Force chief implementer Carlito Galvez Jr. na bumuo sila ng “sonic concept” hinggil sa mga gaganaping hakbang na ito. Sa sistemang ito, magkakaroon ng klasipikasyon ang iba’t-ibang lugar bilang “critical area,” “containment area,” “buffer zone,” o “outside buffer zone.”

Sa tala noong Mayo 19, aabot na sa 12,942 ang kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa bansa. Kasama sa bilang na ito ang 2,843 na gumaling at 837 na nasawi.

LATEST

LATEST