Pambansang kalusugan pa rin ang pangunahing prayoridad ni Pangulong Rodrigo Duterte kahit na puspusan ang ginagawang hakbang sa muling pagbubukas ng ekonomiya makalipas ang dalawang buwang lockdown. Tiniyak ito ng pangulo matapos amining marami pang pagsubok ang kakaharapin ng bansa sa pagluwag nito ng quarantine protocols sa mga darating na araw.
Noong Mayo 18, isinumite ng pangulo ang ika-walong lingguhang ulat niya sa Kamara sabay nangakong gagamitin niya ng naaayon sa kapakanan ng lahat ang ibinigay na karagdagang kapangyarihan.
Sa naturang ulat, nasa 16,996,999 pamilya ang nakakuha mula sa P101.4 bilyong inilaan na ayuda ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Tinatayang nasa 4.13 milyon sa mga ito ay kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. 12.8 milyon ay naman ay mga non-4Ps members habang 62,028 ay mga drayber ng transport network vehicle service at public utility vehicles sa Kamaynilaan.
649,573 apektadong manggagawa ang nakatanggap mula sa P3.247 bilyong pondo ng COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ito ay hiwalay pa sa 104,574 overseas Filipino workers (OFWs) na nakatanggap naman mula sa P1.167 bilyong pondo ng Abot-Kamay ang Pagtulong (AKAP) program ng DOLE.
Aabot naman sa 309,414 informal workers ang nabiyayaan sa ilalim ng P1.179 bilyong pondo mula sa Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers progam ng DOLE.
Iginiit din ni Duterte ang pagpapalalakas sa sistemang pangkalusugan ng bansa, patuloy na pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga mahihirap, at pagbangon muli ng bayan.