Nagbabala si Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año sa mga Pilipinong nakatanggap ng dobleng tulong mula sa pamahalaan na boluntaryo na lang itong isauli.
Ayon kay Año, base sa utos ni Pangulong Duterte ay nakatakda din nilang isapubliko at ipaskil sa mga barangay ang pangalan ng mga benepisiyaryo ng SAP gayun din ang mga pangalan ng mga nakatanggap ng dobleng ayuda mula sa pamahalaan. Hindi umano maiiwasan na magkaroon ng pagkakamali sa pag identify ng mga benepisiyaryo kayat posibleng may mga nakatanggap ng dobleng tulong. Paalala ng kalihim na bago pa man maisapubliko sa mga barangay ang kanilang pangalan ay mas mabuting maisauli na ito sa pamahalaan. Ito rin ang iginiit ni Pangulong Duterte kagabi sa kaniyang mensahe sa bayan kasabay ng isinagawang IATF meeting sa Malacañang kung saan muli itong nagbabala sa lahat na huwag abusuhin ang pondo at tulong ng pamahalaan.
Matatandaang inatasan na ng DILG ang bawat barangay na ilathala at ipaskil ng mga ito ang pangalan ng mga nakatanggap ng tulong para na rin sa transparency ng nga lokal na pamahalaan.