Malacañang: Empleyadong walang masakyan, hindi dapat sisihin kung umabsent

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

Hindi dapat sisihin ng employer ang mga empleyado nitong aabsent dahil sa kawalan ng transportasyon, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang virtual presser. Sa ilalim ng pamantayang nilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), kinakailangang maglaan ng shuttle services o matitirhan ang mga employer habang nananatiling suspendido ang pampublikong transportasyon sa Kalakhang Maynila at iba pang mga lugar na sumasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Mayo 31.

Huwag na lang daw munang magbukas ang mga kumpanyang hindi makakapaglalaan ng transportasyon para sa mga manggagawa upang makatulong sa pagpigil sa posibleng pag-usbong ng pangalawang alon ng Covid-19 infections.

Noong Mayo 16, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na maaaring masisante ang empleyado kung hindi ito papasok sa trabaho hinggil sa kawalan ng transportasyon sapagkat hindi magandang imahe ang pinipinta nito sa mga employers. Nilinaw naman ng kalihim na dapat resolbahin ang problemang ito sa pagitan ng employer at empleyado.

Kasalukuyang nasa MECQ ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales hanggang Mayo 31. Ang lungsod ng Cebu at Mandaue naman ay nananatiling nasa enhanced community quarantine (ECQ) habang ang natitirang bahagi ng bansa ay nasa general community quarantine (GCQ).

Sa MECQ, mga pribadong sasakyan lamang ang pinapayagang bumiyahe habang pinapayagan naman ang pampubikong transportasyon sa GCQ alinsunod sa striktong physical distancing. Maaari namang pumasok sa mga GCQ areas ang mga nakatira sa MECQ kung sila ay nagtatrabaho sa mga industriyang pinayagan nang magbukas.

LATEST

LATEST

TRENDING