Tinatayang nasa 20.3 milyong mahihirap na pamilya ang makakatanggap ng ayudang pinansyal mula sa pangalawang alon ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan. Ito ay mas mataas sa naunang target na 18 milyong itinalaga sa Bayanihan to Heal as One Act, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Subalit, nilinaw niyang hindi kasama sa bilang na ito ang mga pamilyang mahihirap na nakatira sa general community quarantine (GCQ) areas. Sa kasalalukuyan, mga benepisyaryo lamang sa enhanced comunity quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ) areas ang makakatanggap ng ayudang pinansyal. Inaasahang ilalabas ang memorandum para sa pangalawang alon anumang oras. Aniya, “Itong sa second tranche, iyong sinabi ni Pangulo na 4.9 million na hindi nakatanggap ng SAP first tranche bibigyan din, so kasama na po sila dito sa second tranche”.
Noong nakaraang linggo, ninais ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdadagdag ng karagdang limang milyong benepisyaryo sa SAP at ipinag-utos din nito ang pag realign ng mga pondo upang mas maraming mabigyan ng ayudang panansiyal. Sa isang panayam, aminado si Roque na kulang ang itinalagang P205 bliyong badyet para sa SAP. Wika niya, “Dahil limitado nga po iyong pondo na binigay ng gobyerno P205 billion at dahil binigyan nga po ng ayuda for the first tranche ang 23 million at hindi lang 18 million, siyempre po magkukulang na iyong second tranche”.
Ayon sa tagapagsalita ng pangulo, ang mahalagang tukuyin sa ngayon ay kung sapat ba ang pondo mula sa realigned funds na gugugulin para sa SAP. Nilinaw nito na makakatanggap lamang ng ayuda ang mga benepisyaryo sa mga lugar na hindi na mahigipit ang quarantine kung magpapasa ng supplemental badyet ang Kamara.
Sa SAP, mabibigyan ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda ang mga kwalipikadong benepisyaryo. Ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pangunahing ahensyang tagapagpatupad ng programa, ay inatasang mag-beripika sa mga listahan ng benepisyaryong isinumite ng iba’t-ibang local government units (LGUs).