Huwag maging kampante sa Covid-19, iyan ang babala ng Malacañang sa publiko matapos ang pagpapagaan ng quarantine restrictions sa Kalakhang Maynila at iba pang panig ng bansa. Pinaalalahanan ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga nais magtungo sa mga mall na sundin ang quarantine protocols matapos maiulat ang kawalan ng physical distancing sa muling pagbubukas ng mga mall bunsod ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ipinaliwanag ni Roque na ang pangunahing dahilan ng pagpapagaan ng quarantine ay hindi para hikayatin ang mga taong lumabas, kundi upang buhayin ang naghihirap na ekonomiya matapos ang dalawang buwang lockdown. Dapat di-umanong matuto ang mga Pilipino sa naging karanasan ng South Korea kung saan nagkaroon ito ng “spike” sa bilang ng mga nagpopositbo sa Covid-19 kahit napigilan nito ang paglaganap ng virus noong una.
“We must not put to waste our collective efforts and sacrifices. Stay at home, go out to do essential work or when authorized as we ramp up testing, (Huwag nating sayangin ang mga naging hakbang at sakripisyo natin. Manatili sa inyong tahanan hangga’t maaari habang patuloy ang pagpapaigting ng testing)” wika ni Roque. Dagdag pa niya, dapat manatiling mapagmatyag sa panganib na hatid ng virus at sanayin ang sarili sa proper hygiene, pagsusuot ng face mask o shield, at pag-obserba sa physical distancing.
Sa hiwalay na pahayag naman, sinabi ni Joint Task Force Covid Shield commander, Lt. Gen. Guillermo Eleazar na ipapasara nito ang mga establishimentong hindi magpapatupad ng physical distancing. “As per instruction of the SILG (Secretary of the Interior and Local Government Eduardo Año), we will not only facilitate the closure of these malls but will also initiate the filing of appropriate charges against the management, (Alinsunod sa utos ni SILG Año, ang mga lalabag na mga mall ay hindi lang ipapasara, kundi sasampahan din ng kaso ang pamunuan nito)” giit ni Eleazar. Inatasan nito ang lahat ng police commanders na magpatrolya sa loob ng mga mall upang mabantayan ang paggalaw ng tao at masigurong nasusunod ang physical distancing at pagsusuot ng face masks.
Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi pabor sa bansa ang pangalawa o pangatlong alon ng Covid-19 infection habang wala pang bakuna. Kasalukuyang nasa ilalim ng MECQ hanggang Mayo 31 ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales. Nananatiling nasa ECQ naman ang lungsod ng Cebu at Mandaue, habang nasa GCQ naman ang iba pang mga lugar na hindi sakop ng MECQ o ECQ. Sa Pilipinas, 12,513 na ang naitatalang nagpositibo sa Covid-19. 824 ang naman ang nasawi habang 2,635 na ang gumaling.