Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, nais ibenta ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang pag-aari ng pamahalaan upang madagdagang ang pondong gugugulin para sa social amelioration program (SAP). “Nabanggit pa nga niya na magsisimula na siyang magbenta ng mga propriyedad ng gobyerno at mayroon pa siyang isang nasabing property, ayaw ko munang isapubliko, ‘no. Pero sabi niya, iyon siguro ang sisimulan nating ibenta para maibigay sa ayuda,” wika ni Roque sa isang panayam.
Ang pagbebenta ng ilang pag-aari ng pamahalaan ang isa sa mga nakikitang solusyon ng pamahalaan upang madagdagan ang pondong gagastusin sa laban kontra Covid-19. Ito ay matapos aminin ni Duterte na mababa na ang pondo sa pagresponde sa pandemiya. Sinabi nitong may posibilidad na ibenta ang Cultural Center of the Philippines, Philippine International Convention Center, at ilang lupa malapit sa Manila Bay.
Nabanggit din ni Roque na inatasan ng pangulo si Budget Secretary Wendel Avisado na i-realign ang ilang budget items para pondohan ang SAP matapos nitong ipahayag na kailangan ng karagdagang P50 bilyon upang mabigyan lahat ang 23 milyong mahihirap na benepisyaryo sa pangalawang alon ng ayudang pinansyal. Hihingi rin sa Kamara ang pangulo para sa dagdag pondo sa SAP.
Sa ilalim ng P205 bilyong ayudang pinansyal, nagpagpasyahan ng pamahalaan na mamahagi ng P5,000 hanggang P8,000 sa 18 milyong kapos-palad na pamliya sa buwan ng Abril at Mayo. Muli itong nadagdagan ng limang milyon para sa kabuuang 23 milyong benepisyaryo. Huling inanunsyo naman na ang pangalawang alon ng naturang ayuda ay ipapamimigay lamang sa mga benpisyaryo sa ECQ areas dahil sa kakulangan ng pondo.