Nakatakdang magbukas ng isang biomolecular laboratory ang Philippine Red Cross (PRC) sa logistics and training center nito sa loob ng Subic Bay Freeport Zone upang makatulong kontra Covid-19 sa Zambales at mga kalapit na lalawigan. Binuo ang naturang laboratoryo sa tulong ng mga pribadong donors at ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Ayon sa Chairman ng PRC na si Senador Richard Gordon, inaantay na lamang ang proficiency testing ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) para sa akreditasyon ng pasilidad. Health workers ng SBMA, sa pamumuno ni Atty. Amy Eisma, ang magsasagawa ng swabbing at encoding sa Main Gate ng SBF habang ang aktwal na specimen testing naman ay gaganapin sa PRC laboratory. Mayroong automated RNA extraction machine at dalawang Polymerse Chain Reaction (PCR) machines, na may kakayanang makapagtest ng aabot sa 2000 ang bagong pasilidad sa Subic.
“There is a need to conduct testing para makita natin ang kalaban. Gaya niyan, mayroon nang 16 confirmed cases sa Zambales, 11 sa Olongapo at 110 sa Bataan ngayong buwan. Kailangan malaman natin kung nasaan ang kalaban para hindi na dumami ang bilang ng mga mahahawaan,” wika ni Gordon.
Ang PRC, na natatanging Red Cross national society na may biomolecular laboratory system, ay nakapagbukas na ng dalawang testing centers na may PRC machines na kayang magkapagsagawa ng 8,000 tests sa isang araw. Mayroon ding automated RNA extraction machines ang mga ito.
Noong Mayo 15, biigyan naman ng Department of Health (DOH) ng akreditasyon ang pangatlong testing center ng PRC sa Port Area, Manila. Katulad ng mga naunang centers, mayroon ding apat na PCR machines na kayang magtest hanggang 4,000 sa isang araw ang nasabing testing center.