Makakatanggap ng ayudang pinansyal mula Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan ang mga pamilyang kapos-palad na nakatira sa lugar na may modified enhanced community quarantine (MECQ), ayon sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong Mayo 16. Ito ay matapos niyang aminin noong nakaraang araw na iniisip pa rin ng pamahalaan kung paano mabibigyan ng ayuda ang mga pamilyang kapos-palad sa MECQ areas na iiral sa Mayo 16 hanggang 31.
Sinabi ng Palasyo noong Mayo 14 na 13 milyon lamang mula sa 23 milyong benepisyaryo ng SAP ang makakatanggap ng ayuda sa pangalawang tranche nito. Noong Mayo 15, inatasan na ni Pangulong Duterte si Budget Secretary Wendel Avisado na kumalap ng karagdagang pondo upang mabigyan lahat ang 23 milyong benepisyaryo. Sa ilalim ng SAP, makakatanggap ng ayudang pinansyal sa halagang PHP5,000 hanggang PHP8,000, depende sa regional wage rate, ang mga pamilyang kapos-palad.
Ayon kay Roque, inaasahang maglalabas ng memorandum ang Malacañang tungkol sa patakaran nito hinggil sa distribusyon ng ayudang pinansyal. Binanggit din niya na maaaring bigyang ng prayoridad ang mga benepisyaryong nakatira sa mga lugar na may ECQ. Kasalikuyang umiiral ang ECQ sa lungsod ng Cebu at Mandaue mula Mayo 16 hanggang 31, alinsunod sa Resolution 37 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales, at Angeles City naman ay inilagay ng IATF-EID sa ilalim ng MECQ. GCQ naman ang ipanapatupad sa mga lugar na hindi kabilang sa mga sumasailalim sa ECQ o MECQ.