Mga Korte, balik na sa “physical operations”

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Kuha ni: Erwin Cagada (Philstar.com)

Balik-operasyon na ang mga korte sa mga lugar na sumasaililim sa general community quarantine simula Lunes, Mayo 18, ayon sa Korte Suprema. Sa isang administrative circular, ipinag-utos ng Mataas na Hukuman ang muling pagdaos ng “physical operations” sa lahat ng korte sa GCQ areas mula 9 A.M. hanggang 4 P.M. sa ilalim ng rotation at skeleton workforce.

Pinapayagan na rin ang mga kasalang sibil kaakibat ang mahigpit na pagsunod sa mga itinakdang health protocols at iba pang public medical standards. Nilimitahan naman sa lima ang kabuuang bilang ng mga saksi at bisitang maaaring dumalo sa kasal sa kabila ng pamantayan ng GCQ na puwedeng hanggang sampu ang dumalo sa mga pagtitipon. 

Dagdag pa ng Korte Suprema, mananatiling sarado ang mga “night and Saturday courts” hanggang Mayo 30. Ipinagbabawal din ang flag raising at flag retreat hanggang sa katapusan ng buwan. Hindi rin pinapahintulutan hanggang sa katapusan ng buwan ang mga korte sa GCQ areas na magdaos ng official meetings, seminars, trainings at iba pang aktibidad maliban na lang kung ito ay gaganapin sa pamamagitan ng videoconferencing o ito ay awtorisado ng Punong Mahistrado. Ang mga pagtatanong tungkol sa estado ng mga kaso at iba pang transaksyon at maaari lamang gawin sa e-mail, Facebook accounts, o pagtawag sa hotline numbers.

“No walk-in requests shall be entertained by any of the branches or offices of the courts in the GCQ areas. All electronic communications must be transmitted to and received by the courts from 8:30 a.m. to 3:30 p.m. for these transmissions to be acted upon on the same day, (Hindi puwede ang walk-in requests sa lahat ng korte sa GCQ areas. Lahat ng electronic communications ay tatanggapin mula 8:30 A.M. hanngang 3:30 P.M. upang maaksyunan din sa loob ng parehong araw) ” dagdag pa ng Korte.

Ang mga Justices, judges at iba pang kawani ng korte na may medical conditions ay inaanyayahang mag “work from home” upang masiguro ang kaligtasan kontra Covid-19. Inuutusan din ang lahat ng empleyado ng hudikatura na sundin ang mga itinakdang health protocals ng Department of Health (DOH).

LATEST

LATEST

TRENDING