Ilang mambabatas ang nanawagan na ipagpatuloy pa rin ang pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga pamilyang kapos-palad kahit magaan na ang quarantine restrictions sa kani-kanilang mga lugar. Ito ay matapos i-anunsyo ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na hindi na bibigyan ng ayuda ang mga pamilya sa GCQ areas bunsod ng pagbubukas ng ilang mga negosyo.
Gayunpaman, mananatili pa ring sarado ang mga establishmentong kabilang sa Category 4 katulad ng entertainment industries, kid amusement industries, cultural centers, tourist destinations, at personal care services.
Minungkahi naman ni Bayan Muna Part-List Rep. Carloz Zarate ang pagbibigay ng ayuda sa mga hindi pa rin makabalik sa kani-kanilang mga trabaho. Aniya, “Hindi ba dapat i-recommend din ng IATF na ang mga affected individuals even during GCQ, wala naman silang hanapbuhay talaga lalo na nasa informal economy, ay tatanggap parin sila ng ayuda?”
Sinabi naman ni Baguio City Rep. Mark Go na maraming negosyo pa rin sa kanyang nasasakupang distrito ang mananatiling sarado kahit sasailalim na ito sa GCQ. Binigyang diin ni Go na ang makakatanggap ng ayudang pinansyal sa halagang ₱5,000-₱8,000 sa ilalim ng Bayanihan To Heal As One Act ay nasa 18 milyong pamilyang kapos-palad. Kaya naman, maaari pa ring makatanggap ng ayuda ang mga low-income earners kahit na sila ay nasa ilalim na ng GCQ dahil ito ay nakasaad sa batas.
Samantala, ayon naman sa Philippine Retailers Association (PRA), maraming mga negosyo sa GCQ areas ang nakapagtala ng mababang bilang ng mga dumarating na customer. Ito ay dahil sa pangambang maari silang mahawa sa Covid-19 kapag sila ay lumabas, wika ni PRA Chairman Paul Santos. Bukod dito, nakakadagdag din daw sa problema ang kawalan ng pampublikong transportasyon, paghihigpit sa mga LGU borders, at pagbabawal sa paggalaw ng tao sa ilang munisipalidad.
Binanggit naman ni DTI Secretary Mon Lopez na ipagbibigay-alam niya ang mga naturang problema sa IATF.