Malacañang: Paglabag ng mga pulis, hindi lulusot

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Photo Source: SCMP

Tiniyak ng Malacañang sa publiko na hindi ito magbubulag-bulagan sa mga naiuulat na paglabag ng ilang pulis sa kasagsagan ng pandemiya sa bansa. Ito ay matapos mangyari ang isang insidenteng pambubugbog isang quarantine violator sa Cavite noong Mayo 12 na di umano’y kagagagawan ng mga pulis.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa programang Laging Handa ng PTV-4, na hihingi ng tulong ang Palasyo kay Philippine National Police (PNP) chief General Archie Gamboa upang maimbestigahan ang naturang pambubugbog. Aniya, “Paimbestigahan po natin iyan. Tatawagan natin mismo si PNP chief Gamboa at titignan po natin kung ano ang nangyari diyan“.

Pasa, mga sugat sa katawan, at fractured na bungo ang tinamo di umano ng inarestong si Ronald Ocampo dahil sa paglabag nito sa quarantine protocols. Giit ni Roque, mananagot ang mga pulis sakaling mapatunayan na sila ay sangkot sa naturang pambubugbog. “Alam niyo naman po, sa ating gobyerno, no one is above the law. Kung talagang may lumabag sa batas, meron naman pong imbestigasyon, paglilitis, at pagpaparusa,” wika ng tagapagsalita ng pangulo.

Binigyang diin ni Roque na hindi makalulusot ang paglabag ng mga awtoridad at asahang makakamit ang katarungan. Ito ay matapos siyang tanungin kung talagang ipinagbabawal ba ang pagrereklamo laban sa pamahalaan bunsod ng pag-aresto sa isang salesman sa Nisipit, Agusan del Norte na si Reynaldo Orcullo dahil sa social media post nito laban kay Pangulong Duterte. Naglalaman ng mga mura at maaanghang na komento laban sa pangulo ang nasabing post.

Binanggit ni Roque na ang mga awtoridad na ang bahala sa kapalaran ng mga lumabag. “We leave it to authorities (Mga awtoridad na po ang bahala). Pero kapag meron pong maling ginawa ang mga awtoridad, eh kino-correct naman po ng ibang ahensya ng gobyerno gaya ng piskalya” dagdag pa niya.

LATEST

LATEST

TRENDING