Malacañang: Non-essential travels, bawal pa rin sa MECQ

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Presidential Spokesperson Harry Roque

Hindi pa rin makakauwi sa kani-kanilang mga lalawigan ang mga Pilipinong nananatili sa Metro Manila habang umiiral ang modified enhanced community quarantine (MECQ) hanggang Mayo 31, maliban na lamang kung sila ay kabilang sa mga “authorized persons outside residence” o APOR.  Mga manggagawa sa healthcare, agrikultura, agri-business, emergency response, food, security, mga bangko, money transfers, at funeral services ay ilan lamang sa mga kabilang ng APOR. Subalit, nananatiling bukas ang IATF-EID sa mga posibleng pagbabago sa mga ipapabilang sa APOR alinsunod sa mga pagpupulong sa iba’t-ibang stakeholders.

Kung leisure po, hindi po pupuwede pa rin, unless tayo po ay may katungkulan. Iyong mga tipong bibisita sa ating mga kamag-anak, kung pupuwede po ay maiwasan po muna iyan kasi talagang wala pa pong ganiyang pahintulot ang IATF; nililimita pa rin po natin sa essential travel,” paglilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa isang panayam. Sinabi niya ito bilang paalala pagkatapos magkaroon ng mabigat na trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila noong Mayo 16 bunsod ng pagpapatupad ng mas magaang MECQ. Kinakailangan ang pahintulot mula sa local government unit (LGU) para sa mga gaganaping non-essential travels.

Sa MECQ, ipinagbabawal pa rin ang pampublikong transportasyon ngunit pinapayagan naman ang mga pribadong sasakyan basta hindi lalagpas sa dalawa ang sakay nito. Ang mga nakatira sa MECQ areas na nagtatrabaho sa GCQ areas ay papayagan din kung ang empleyado ay mapapatunayang nagtatrabaho sa industriyang puwedeng mag-operate.

Maaari rin ang “interzonal travels” sa pagitan ng dalawang lugar na nasa ilalim ng GCQ basta mayroong ipapatupad na mga safety protocols. Hinihikayat naman ang mga employer na pansamantalang bigyan ng masasakyan o matitirhan ang kanilang mga empleyado.

Ang Metro Manila, Laguna, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga and Zambales ay sumasailalim sa MECQ hanggang Mayo 31, base sa Resolution 37 ng IATF-EID. Ang mga lungsod ng Cebu at Mandaue naman ang natatanging nasa ilalim pa rin ng ECQ. GCQ naman ang pinapairal sa iba pang mga lugar na hindi sumasailalim sa ECQ o MECQ.

LATEST

LATEST

TRENDING