State of emergency sa malaking bahagi ng Japan, tinapos na

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Inihayag ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe sa isang press briefing ang opisyal na pagtatapos ng state of emergency sa 39, mula sa kabuuang 47, na prefectures nito noong gabi ng Huwebes, Mayo 14.

Subalit, mananatili pa ring nasa ilalim ng state of emergency ang Tokyo, Osaka, at anim pang prefectures at muling susuriin ang mga ito sa darating na Mayo 21.

Iginiit rin ni Abe na posible niyang buwagin ang naturang emergency order bago pa man sumapit ang deadline nito ng Mayo 31 dahil kampante siya sa kakayanan ng Japan na labanan ang bantang hatid ng Covid-19.

“Compared to other G7 nations, we could contain the infection cases and death per capita overwhelmingly (Kumpara sa ibang bansang sakop ng G7, may kakayanan ang Japan na pigilan ang pagtaas ng bilang ng mga nagpopositibo at mga namamatay),” banggit ni Abe.

Ayon sa tala ng Johns Hopkins University, mayroong 16,049 na kumpirmadong kaso ng Covid-19 at 678 na bilang ng nasawi sa Japan.

Sinabi rin ni Abe na dadagdagan niya ang supplemental budget upang mabigyan ng ayudang pinansiyal ang mga empleyado at negosyante.

Unang idineklara ang state of emergency sa pitong urban prefectures sa Japan noong Abril 7. Nagkaroon din ng rekomendasyon ang pamahalaang sentral na limitahan sa basic economic activity ang kalakaran ng bansa.

Noong Abril 16, ipinag-utos ni Abe ang pagpapalawak ng state of emergency sa buong bansa bilang pagtugon sa tumataas na bilang ng mga kaso ng Covid-19. Noong Abril 30, muli itong pinalawig hanggang Mayo 31.

Nakiusap din siya sa publiko na panatilihing mapagmatyag at unti-unting bumalik sa normal na pamumuhay. Subalit nagbabala siya na alinsunod sa “new lifestyle” na ito ang pagsunod sa social distancing, work from home, at pag-iwas sa high-risk activities.

LATEST

LATEST

TRENDING