Titiyakin ng mga pamahalaang lokal ang pagpapatupad ng social distancing sa posibleng paglikas ng mga residenteng apektado ng Bagyong Ambo na nag-landfall sa Eastern Visayas nitong Huwebes, Mayo 14.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, “per-family” ang gagawing pamantayan sa pagpapatupad ng social distancing sa mga evacuation centers. “Pagdating sa evacuation centers, kinakailangan social distancing by family,” wika ni Roque sa isang virtual presser.
Social distancing ang tawag sa pagpapanatili ng distansiyang isa hanggang tatlong metro sa pagitan ng bawat tao bilang pangontra sa paglaganap ng Covid-19. Noong Marso, nagpasya ang World Health Organization (WHO) na palitan ang terminong “social distancing” ng “physical distancing”.
Samantala, magiging mahigpit din ang pagpapatupad ng programang “Oplan Alisto” ng Department of the Interior and Local Government (DILG) alinsunod sa laban kontra Covid-19. “Sang-ayon po sa Oplan Listo, sapat-sapat na po ang ating mga relief goods, handa na po ang ating mga evacuation centers at ipapatupad po ang social distancing on a per-family basis,” dagdag pa ni Roque.
Iginiit din ng tagapagsalita ng pangulo na sanay na ang pamahalaang nasyonal at lokal sa pagresponde sa kalamidad na dulot ng bagyo dahil nakapaloob ang Pilipinas sa tinatawag na typhoon belt. Aniya, “Iyan naman po ay pinaghandaan na ng mga awtoridad at sanay na naman po tayo pagdating sa contingencies dahil po sa mga bagyo,” he said.
Batay sa 2 P.M. bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA), tumama sa kalupaan si “Ambo” bandang 12:15 p.m. at patuloy na tinutumbok ang hilagang bahagi ng Samar.
Ang sentro ni “Ambo” ay namataan sa may bahagi ng Oras, Eastern Samar sa ganap 1 P.M.
Inaasahan din ang malakas na pag-ulan sa lalawigan ng Samar, Masbate, Sorsogon, at Catanduanes. Katamtaman hanggang malakas na pag-ulan naman ang sasalubong sa Albay, Camarines Sur, at nalalabing bahagi ng Eastern Visayas.
Sa Luzon, inaasahang hindi magiging madali ang pamamahagi ng ayuda dahil ang malaking bahagi nito ay nananatiling nasa ilalim ng “Enhanced Community Quarantine” bunsod ng Covid-19 pandemic.