Ayon sa Malacañang, kasalukuyang sinusuri ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang ilang apela ng mga pamahalaang panlalawigan na mapasailalim ang kani-kanilang mga lalawigan sa modified enhanced community quarantine (MECQ) simula Mayo 16 hanggang 31.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na magkakaroon ng pagpupulong ang IATF-EID sa Biyernes ng hapon, Mayo 15, upang talakayin ang usapin na ito. Aniya, “Marami pong mga probinsya na gustong [maging under modified] ECQ . Pero wala pa pong desisyon ang IATF”.
Nangangamba ang mga pamahalaang panlalawigan na ang biglaang pagpapagaan ng quarantine protocols sa kani-kanilang mga lalawigan ay maaring magdulot ng pagtaas sa bilang ng mga kaso ng Covid-19.
Sa isang Resolusyon noong Mayo 13, nagrekomenda ang Regional Inter-Agency Task Force (RIATF) on Covid-19 in Central Luzon, na ipasailalim ang Angeles City, at mga lalawigan ng Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, at Zambales sa MECQ simula Mayo 16 hanggang 31. Kinumpirma ang naturang rekomendasyon ni Roque.
Iginiit niya na ang magiging batayan ng IATF-EID’s sa pagpapasya nito sa mga inihaing apela ay ang bilang mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 sa kanilang mga lugar kasama na ang angking kapasidad upang labanan ang banta nito.
Susuriin din ng IATF-EID kung mamamahagi pa rin ang pamahalaang nasyonal ng emergency subsidies para sa mga kapos-palad na pamilyang naninirahan sa mga lugar na ipapasailalim sa MECQ.
Sa ilalim ng Social Amelioration Program, halos 23 milyon na low-income households ang kwalipikado na tumanggap ng ayuda na papalo sa PHP5,000 hanggang PHP8,000 base sa regional wage rates.
Subalit, ang pangalawang tranche ng ayuda ay ipapamahagi lamang sa mga kapos-palad na pamilyang naninirahan sa mga lugar na may ECQ. Ang Metro Manila, Laguna, at Cebu City ay tiyak na ipapasailalim sa MECQ mula May 16 hanggang 31 dahil ang mga ito ay natukoy na high-risk areas.
Ang GCQ naman ay ipapatupad sa mga low-risk and moderate-risk na mga lugar sa bansa. Nitong May 14, nakapagtala na ang Pilipinas ng 11,876 na mga kumpirmadong kaso ng Covid-19 infections. 2,337 na ang gumaling habang 790 naman ang nasawi.