Ang Camp Karingal o ang main headquarters ng Quezon City Police District (QCPD), ay isinailalim sa tatlog araw na lockdown matapos magpositibo sa Covid-19 ang 14 na pulis nito.
Sinabi ni Maj. Gen. Debold Siñas, direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang mataas na bilang ng mga nagpostibo sa loob ng QCPD ay dahilan upang maglunsad ng agarang mga hakbang upang mapigil ang paglaganap ng virus. Kamakailan lamang ay sumailalim sa limang araw na testing ang 219 na kawani ng QCPD. Sa nilabas na 115 na resulta, 14 ang nagpositibo kabilang ang apat na police commissioned-officers. Samantala, hindi pa nailalabas ang resulta ng 104 na natest.
Sampu sa mga nagpositibo ay kasalukuyang nakadestino sa District Headquarters sa Camp Karingal, Quezon City. Ang ibang apat naman ay nakatalaga sa QCPD Police Community Precincts.
Sa isang panayam ng CNN Philippines kay Brig. Gen. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, kinumpirma niya ang naturang balita at sinabing naglunsad sila ng group testing mula Abril 25 hanggang 29 sa mga pulis na nakadestino sa police headquarters, stations, at community precincts.
“Our most important resource against this battle is our human resource. Hence, we opt to implement all possible measures to ensure their safety and guarantee that they are in their optimum health condition as they go to the frontline to face the unseen deadly virus (Ang pinakamahalagang sandata kontra Covid-19 ay human resource. Kaya naman tayo ay magpapatupad ng mga solusyon upang masiguro na maayos ang kanilang kalusugan sa muli nilang pagtungo sa frontline),” sabi ni Siñas.
“Considering the fact that those who tested positive were previously tasked in the implementation of the Enhanced Community Quarantine in Quarantine Control Points, it was deemed necessary to immediately conduct preventive measures and reactionary protocol to ensure that the virus will not thrive and infect more of our frontline workers, (Bilang ang mga naatasang magpatupad ng ECQ sa Quarantine Control Points ay silang nagpositibo, kinailangang maglunsad ng mga agarang hakbang upang masiguro na hindi na sila makakahawa pa ng iba pang frontline workers)” dagdag pa ni Siñas..
Ipinatupad ang lockdown sa ganap na 5 P.M. noong Sabado at inaasahang tatapusin sa Martes ng gabi.
Habang nasa lockdown, ipinag-utos ni Siñas ang mahigpit na contact tracing para sa mga nakihalubilo sa 13 na nagpositbo na kasalukyan ay nasa NCRPO Special Care Facility (SCF); evaluation at monitoring para sa mga direktang nakasalamuha ng mga nagpositibo at pag-isolate sa kanila sa SCF; at pagsusuri ukol sa lagay ng 104 na nagpanasopharyngeal swab test upang alamin kung sila ay nararapat na i-quarantine. .
Nabanggit din ni Siñas ang pagtukoy sa mga indibidwal na kinakailangang sumailalim sa nasopharyngeal swab test upang ma-decontaminate ang buong pasilidad ng Camp Karingal QCPD, at ang pagpapatupad ng mga hakbang upang malabanan ang lalong paglaganap ng virus.