Bagyong Ambo, rumagasa sa Samar

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

Nag-iwan ng malaking pinsala ang Bagyong Ambo (international name: Vongfong) sa mga lalawigan ng Samar. Dalawang tao ang sugatan, mahigit 13,000 ka taong inilikas, at ilang pasahero ang iniwang stranded simula noong naglandfall ito noong Huwebes.

Ayon sa PNP, ang dalawang sugatan mula sa Can-avid, Eastern Samar ay dahil sa nagliparang debris. Nasa 13,158 ka tao ang inilikas sa mga evacuation center sa Northern Samar, 2,225 sa Samar, at 601 sa Eastern Samar, base sa inisyal na datos.

Dagdag din ng PNP, ilang istruktura ang nawasak sa lalawigan ng Northern Samar at Eastern Samar habang ilang pangunahing kalye naman ang hindi madaanan sa kasalukuyan dahil sa pagbaha, posibleng landslide, pagkabuwal ng mga punongkahoy, at pagkatumba ng mga poste. 

Aabot na sa 24 na bayan sa Northern Samar, 18 sa Samar, apat sa Eastern Samar, at dalawa sa Biliran ang nakararanas ng brownout dahil sa mga nasirang linya ng kuryente.

Ang mga bayan ng Bobon, Laoang, Lope de Vega, at Mondragon sa Northern Samar; Arteche, San Policarpio, Jipapad, Oras, at Maslog sa Eastern Samar ang maituturing na pinakamalubhang natamaan ni “Ambo”.

Nakapagtala naman ng 232 ka tao and 110 na sasakyan ang na-stranded sa pantalan ng Allen, Northern Samar, ayon din sa PNP.

Nag-umpisa na ang Department of Public Works and Highways na linisin ang mga daanan mula sa debris, natumbang poste, at nabuwal na mga punongkahoy.

Nitong Biyernes ng umaga, Mayo 15, huling namataan si “Ambo” sa may Claveria, Masbate taglay ang maximum sustained winds na aabot hanggang 125 kilometers per hour (kph) sa sentro at gustiness na aabot sa 165 kph. Ito ay kumikilos pa hilagang-kanluran sa bilis 15 kph. Ayon sa ulat ng PAGASA, unang naglandfall si “Ambo” sa San Policarpio, Eastern Samar ganap na 12:15 P.M. noong Huwebes, Mayo 14.

LATEST

LATEST

TRENDING