MAYNILA—Nag anunsyo ang Malacañang sa pamamagitan ng tagapagsalita nito na si Sec. Harry Roque sa isang online press briefing noong Martes na ang mga rehiyon na may Moderate Risk sa hawaan ay mananatili sa general community quarantine (GCQ) pagkatapos ng Mayo 15. Subalit, iyong nasa klasipikasyon ng High Risk ay ipasailalim sa bagong pangalan na “modified” enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Sec. Roque, tinanggap ng pangulo ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) pagkatapos nitong mag konsulta sa iba’t-ibang grupo pati na ang mga panukala ng mga alkalde sa Metro Manila.
Sabi ni Sec. Roque na ang mga rehiyon, probinsya at lungsod na mapasailalim sa GSQ simula Mayo 16 ay ang mga sumusunod:
CAR—Abra, Apayao, Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, at Baguio City
Region II— Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Santiago City
Region III— Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Angeles City (maaring magbago pagkatapos ng Mayo 14), at Olongapo City
Region IV-A – Cavite (maaring magbago pagkatapos ng Mayo 14), Quezon, Rizal, Batangas City, at Lucena City
Region VII – Bohol, Cebu, Negros Oriental, Siquijor, Mandaue City, at Lapu-Lapu City
Region IX – Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, Zamboanga Sibugay, Zamboanga City, at Isabela City
Region XI – Davao City (maaring magbago pagkatapos ng Mayo 14), Davao de Oro (maaring magbago pagkatapos ng Mayo 14), Davao del Norte, Davao del Sur, Davao Occidental, at Davao Oriental
Region XIII – Agusan del Norte, Agusan del Sur, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Surigao del Sur, at Butuan City
Sa kabilang dako, ang mga lugar na nasa High Risk ng kontaminasyon at mapasailalim ng Modified ECQ simula Mayo 16 hanggang 31 ay ang: Probinsya ng Laguna, lahat na mga highly urbanized cities sa National Capital Region, kasama ang Munisipalidad ng Pateros, at Cebu City sa Visayas.
Sabi ni Sec. Roque na ang MECQ ay nasailalim pa rin sa ECQ ngunit may mga negosyo at industriya na papayagan nang mag-operate muli. Ang mga rehiyon na wala sa dalawang klasipikasyon ay Low Risk na kaya wala nang quarantine doon.
Sa loob ng GCQ ay pwedeng payagan na mag-operate muli ang iilang negosyo, maliban sa may kinalaman sa “leisure and entertainment,” at may konteng sasakyang pampubliko na pumapasada.
Ngunit, ang GCQ ay quarantine pa rin at ang lahat na panuntunan sa pag-iwas sa hawaan ng sakit ay nanduon pa rin. Ganito din ang sabi ni Usec. Maria Rosario Vergerie sa DOH na sinubaybayan pa rin ang pagsunod ng “minimum health standard” sa loob ng GCQ.