Mga magmamanok umaaray na sa ECQ, humiling sa gobyeno na itigil ang pag-angkat ng manok

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram
Share to social media

MAYNILA— “Iyong sa manok na broiler, mahirap na mahirap talaga mula nang nag-ECQ tayo,” sabi ni Gregorio San Diego, chairperson ng United Broiler Raisers Association of the Philippines, sa isang panayam sa radio-TV nuong Lunes.

Sabi niya na marami sa kanilang mga kasama ay nasa bingit ng pagkakalugi at matagal pa silang makakabangon kung walang ayuda na matanggap galing sa pamahalaan. “Hindi namin inaasahan na mangyari ito. Bumagsak ang demand dahil ang mga malalaking kustomer namin ay natamaan din,” sabi pa ni San Diego.  

Ayon kay San Diego na ang malalaking produkto nila ay binibili ng mga hotel, restaurants at mga institution tulad ng fast foods at food processors ng bansa na naapektuhan din ng problema sa ekonomiya.  May mga malalaking hotels at restaurant at establisamento ng pagkain ang nakasarado na rin dahil sa lockdown.  

“Akala kasi namin last year na pagkatapos ng African Swine Fever ay lumaki ang demand ng karneng manok kaya ang mga kasamahan namin ay nagpalaki ng produksyon ngunit ngayon ay luging-lugi talaga sila,” sabi niya. Ang farm gate price sa buhay na manok ngayon ay pumalo ng Php 60-65 kada kilo at ang suggested retail price ay Php 100-115 kada kilo.

Ayon sa kanya, nabahala ang grupo nila sa datos ng Department of Agriculture (DA) ukol sa dami ng importasyon ng karne sa bansa. “Nabahala kami dahil tuloy-tuloy ang importasyon ng gobyerno natin ng manok sa ibang bansa.” Sabi niya na mahirap makakuha ng tugmang datos galing sa Bureau of Animal Industry ngunit narinig nila na tantya ng DA na umabot ng 250 metric tons pa ang suplay ng manok hanggang sa 4th quarter ng taong kasalukuyan kung saan humina na dahil sa Covid-19.

“Parang isang taon na suplay ito sa bansa. Paano na kami? Unlike sa ibang bansa sa Europe at U.S. na pinatigil nila ang importasyon kung mayroon krisis upang matulungan ang kanilang sariling industriya. Pero sa atin hindi,” himutok ni San Diego.  

Sa kabilang dako, masaya naman sina San Diego sa industriya ng itlog kahit na may ECQ dahil ito ang pinakamura na pinanggalingan ng protina sa mamamayan at hindi mahal ang pagproseso at pagtago nito.  Ginamit na rin ang itlog sa mga relief food aid sa mga naapektuhan na komunidad. 

Ganuon pa man, ang kanyang grupo ay humihiling sa pamahalaan na tingnan ang datos tungkol sa importasyon sa produkto ng manok at matutulungan ang industriya ng magmamanok sa bansa na makaahon pagkatapos ng Covid-19 na krisis. “Sana naman matutulungan kaming makabangon muli,” sabi ni San Diego.

LATEST

LATEST

TRENDING