Davao City galak na sinalubong ang 162 na-stranded na pasahero

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

DAVAO CITY—Isa itong “independence day” para kay John Carlo Bunghanoy, isang Overseas Filipino Worker (OFW) na galing sa New Corella, Davao del Norte, nang lumapag sa tarmac ang eroplano na sinakyan niya sa Francisco Bangoy International Airport, sa Panacan, lungsod ng Davao, sa isang maliwanag na Lunes ng umaga.

Lulan sa “sweeper flight” na galing sa Clark International Airport na kasama ni Bunghanoy ay ang 161 na iba pang pasahero, karamihan sa kanila mga OFWs, na na-stranded ng 15 na araw sa isang quarantine facility sa Pampanga dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon at sa maraming probinsya ng bansa.

Si Bunghanoy ay isang OFW sa Macau, China na umuwi upang magbakasyon sa trabaho ngunit sa masamang palad ay humantong sa dalawang buwan na “mandatory quarantine” sa China bago pinayagang makauwi sa Pilipinas via Clark International Airport.  “Dalawang buwan din na nasa-quarantine ako sa China at akala ko babalik na ako sa Davao ngunit kailangan pa rin namin na mag-quarantine muli sa Pampanga,” sabi ni Bunghanoy na masayang lumakad papunta sa lobby ng Bangoy airport. 

Bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala at tamlay ngunit masaya siya na nakauwi na. “Maligaya ako, kaming lahat na safe at hindi kami nagkasakit at salamat sa panalangin ninyo sa amin,” sabi niya.

Sa isang panayam sa isang TV network, sinabi ni Mayor Sara Duterte-Carpio na galak din ang Davao sa ligtas na pagdating ng mga pasahero.   “Masaya tayo na dumating na ang na-stranded na pasahero na galing sa Clark, Pampanga at matutulongan natin silang bumalik sa kanilang pamilya.” Sabi rin niya na may mga “sweeper flights” pa na darating sa mga susunod na araw sa Davao kaya pinaghahandaan na nila ito.

Sa kabilang dako, sinabi rin ni Mayor Duterte-Carpio na ang Department of Health na ang bahala kung sino sa kanila ang kailangan pang mag-quarantine sa Davao. “Let’s wait for the doctors to perform the algorithm or a set of protocols upang makapili kung sino sa kanila ang dalhin for swabbing or pwede nang mag-home quarantine,” sabi muli ni Mayor Duterte-Carpio.

Tantya ng pamahalaang nasyunal na umabot ng 40,000 pa na mga OFWs ang bumalik dito sa Pilipinas pagkatos ng ECQ ngayong Mayo 15, 2020.

LATEST

LATEST

TRENDING