MANILA—Si Senator Christopher Laurence “Bong” T. Go ay naglatag ng kanyang “post-Covid-19 program” upang maibsan ang grabeng problema sa pagsikip ng tao sa mga malalaking lungsod at upang umabot ang kaunlaran sa kanayunan sa bansa. Ginawa niya ito sa pagtipon ng gabinete sa Malacañang nuong Huwebes ng gabi.
Hinikayat ng senador ang pamahalaan na gumawa ng seryusong pag-aaral sa “new normal” pagkatapos ng Covid-19 krisis. Sabi niya, “kailangan na nating maglatag ng mga programa na magbalik probinsya at magbigay insentibo sa mga mamamayan na lumipat sa kamaynilaan at malalaking lungsod upang bumalik sa kani-kanilang probinsya.”
Ang senador ay galing sa Davao City at ayon sa kanya, babalik rin sila ni Presidente Duterte sa Mindanao pagkatapos ng termino nila sa Manila. “Kami po ni presidente Duterte ay probinsyano rin, taga Davao, Mindanao, duon po kami lumaki at tulad ng ibang probinsyano, ay gusto naming bumalik duon pagkatapos ng aming pagserbisyo sa bayan,” sabi ng senador.
Ipinakita ng senador ang mga kahirapan na nararanasan ng mga mamamayan dahil sa Covid-19 at ang pagtitiis nila sa buhay sa malalaking lungsod tulad ng Metro Manila tulad ng grabeng pagsikip ng tao, pagsikip ng trapiko, problema sa pamamahay, at iba pa. Napansin ng senador na madaling kumalat ang Covid-19 sa Metro Manila dahil sa dami nang tao na naging mahirap sa nasyunal at lokal na pamahalaan na maghatid ng tulong sa mga naapektohan.
“Marami pong na-stranded at hindi nakakauwi dahil inabutan sila ng ECQ. Maraming hindi nakakatanggap ng social amelioration aid dahil baka madudoble o may duplication ang pagbigay dahil ang pamilya nila ay naiwan sa probinsya,” sabi ng senador.
Sinabi niya muli ang pangangailang ng pamahalaan na gumawa ng mas matagalang solusyon sa mga problema sa taong bayan at isa nito ang pag-ayos ng “urban planning” sa bansa. “Dahil sa kakulangan ng maayos na plano sa nakalipas na administrasyon at kahirapan sa probinsya ay nagpuntahan ang mga probinsyano sa kamaynilaan dahil duon ang may oportyunidad,”sabi niya. Kailangan din umano na patatagin ang kapasidad nga mga probinsya upang makaya nilang suportahan ang mga nagsibalikang mamamayan.
Pagkatapos ng Covid-19 quarantine at masiayos na muli ang pagbiyahe, nais ng senador na gumawa ang pamahalaan ng paraan upang mahikayat ang mga pamilya na umalis sa Manila at sa malalaking lungsod sa bansa. Kailangan na handang magbigay ang pamahalaan ng paraan upang makabalik sila sa kanilang probinsya.
Dahil sa Covid-19, nais ng senador na manatilihin pa rin ang pagsunod sa patakaran ng DOH, at pagsagawa ng mass testing upang maiwasan na kumalat muli ang sakit. “Ilipat natin ang tao sa tamang panahon kung magsabi na ang DOH na ligtas nang lumikas,” sabi muli ng senador.
Nanalig si Sen. Go na makakatulong ang kanyang “Balik Probinsya Program” sa pag-unlad ng mga kanayunan ng bansa