Binatikos ng mga netizens ang pagbaril sa isang dating sundalo na nakunan ng camera

Share on facebook
Share on twitter
Share on telegram

MANILA—Ang pangyayari ay parang nasa-set ng isang prime-time TV show na “Probinsyano” na may isang kalaban na napapalibutan ng mga pulis na pinangunahan ni Sgt. Cardo Dalisay at napaslang pagkatapos ng isang mahabang barilan.

Ngunit ang eksenang ito ay walang kamera sa estudyo, walang direktor, at ang mga aktor ay tutoong pulis na gumagamit ng tutuong baril sa gobyerno at .9mm na bala. Pagkatapos ng putukan, ang biktima ay nakahandusay sa lupa, patay na naligo sa kaniyang  sarilingdugo, walang mahabang barilang naganap, at walang “take two” sa ganuong nakakikilabot na eksena.

Ayon sa ulat ng kapulisan, nangyari ang pagpaslang nuong Martes sa Quezon City ni dating Private First Class Winston Ragos, 34, kung saan siya’y nabaril ng dalawang beses ni Police Master Sergeant Daniel Florendo, sa Quezon City Police Station 5. Napag-alaman na ang biktima ay may sakit sa utak dahil sa kanyang trabaho nuon. 

Nag-umpisa ang lahat nang si Florendo at apat na trainees sa Highway Patrol Group ay nagbantay ng quarantine checkpoint sa Maligaya Drive sa Pasong Putik nang sila’y diumano’y sinita ni Ragos.

Ayon sa balita, medyo nagkaalitan sina Ragos at isang trainee sa checkpoint at nang lumakad na papunta si Ragos sa isang tindahan sa may tabing daan ay sinundan ito ng mga pulis.

Duon nagpatuloy ang kanilang alitan hanggang nakita sa mobile video ng isang kasama ni Florendo na kumalat ngayon sa social media, na tinutukan nito ng baril si Ragos at maraming beses na sinigawan ito ng “dapa”, “dapa.”

Sa naturang video clips bago ang pamamaril ay nakitang nakataas at nakatalikod si Ragos sa pulis na si Florendo.  Sa ilang saglit pa, nakitang hindi dumapa si Ragos kahit paulit-ulit itong sinabihan ni Florendo at sa halip, nakagawa pang nagtanong sa pulis “Bakit, ano ba ang problema ko sa iyo?” at saglit na may kukunin sa kanyang pulang sling bag na nasa kanyang katawan kaya’t pinutukan siya nito ng dalawang beses.  

Tinamaan si Ragos ngunit nagawa pa nitong humawak sa yerong barandilya na namamagitan sa daan at sa tindahan.  Tinanggal ni Ragos ang kanyang sling bag at hinagis sa daan bago siya tuluyang bumagsak sa lupa. 

Pagkatapos ng putukan, nagpatawag ang isang opisyal ng pulis ng ambulansya at may marinig sa video na nagmamakaawang boses ng babae na nagsabi “dati sundalo yan Sir, na war-shock lang.” Nakita rin sa naturang video na ginalaw ng isang pulis gamit ang kanyang mga paa ang sling bag ni Ragos.

Ang pangyayari ay umaani ng maraming reaksyon galing sa netizen at sa mamayan. Isang kaibigan ng biktima na nanduon mismo sa insidente ay nagsabi na walang dalang armas si Ragos.  Sabi niya na may bag ito ngunit walang laman na armas.  Subalit, sabi ng kapulisan na may nakuhang 38 caliber na baril ang nasawing sundalo.

Ang mga netizen na sina Maritess at Carla ng Manila ay bumatikos sa insidente sa social media at sabi pa nila na madali namang madakip ang biktima. “Mas marami ang police a nasa paligid, bakit ganuon?” tanong nila.  

Ang iba ay nagtanong bakit daw sa katawan ang titirahin na pwede namang sa paa lang? Sabi nila, “ang Covid-19 ang kalaban dito, hindi tao. Bakit siya pinaputukan eh wala namang dalang baril ‘yan?

Ang pamilya ni Ragos ay nagsabi na ang napaslang na sundalo ay may post-traumatic stress disorder (PTSD) pagkatapos nitong napasali sa bakbakan sa Marawi City. Ito ay isang sakit ng pag-iisip ng tao na dulot ng labis na trauma o nakaranas ng lubhang kahirapan na bumabalik-balik palagi sa isip ng pasyente.

 “Sobrang sakit. Masaklap kasi ganun na ang nangyari sa kanya, ‘di pa namin mabigyan ng maayos na paalam dahil sa Covid lockdown,” sabi ni Janet Macahilig, kapatid na babae ni Ragos.

Sa kabilang dako, nagbigay din si President Rodrigo R. Duterte ng kanyang pagdadalamhati sa pamilya ni Ragos. Ang hepe ng PNP na si Police General Archie Francisco Gamboa ay nag-utos na sa Quezon City Police District na gumawa ng “full-dress investigation” sa insidente.  Gumagawa na rin ng kanilang imbestigasyon ang Criminal Investigation and Detection Unit at District Affairs Service ng Quezon City Police Office.

Pati si Army Chief Lt. General Gilbert Gapay ay nag-utos na rin ng sariling imbestigasyon sa kanilang Judge Advocate at makipag-ugnayan sa PNP “in order that justice will be given to the death of Ragos,” sabi nang heneral.  Gagawa na rin na kanilang imbestigasyon ang Commission on Human Rights sa naturang pangyayari.

LATEST

LATEST

TRENDING