Posibleng mag desisyon muli si Pangulong Rodrigo Duterte sa status ng Luzon-wide enhance community quarantine na nakatakdang matapos sa Abril 30, ayon kay Senador Christopher Lawrence “Bong” Go.
“Ang Pangulo marahil magde-decide ngayong linggong ito kung i-extend pa po o luluwagan (ang enhanced community quarantine). So bukas po kakausapin nya ang mga health experts, marami po syang inimbita pati rin po mga dating secretaries of health ng iba’t ibang administration, baka makapagbigay ng payo sila,” pahayag ni Go sa panayam ng DZBB.
Ayon kay Go, layunin ng gobyerno na masigurong na walang buhay ang mawawala dahil sa COVID-19 at magkaroon ng sapat na pagkain ang bawat tao, hindi babagsak ang ekonomiya at may sapat ng gamot para sa publiko.
“Desperado talaga ang Pilipino sa ngayon, sobrang desperado. Naghihintay tayo ng vaccine e matagal pa, sabi nila sa susunod na taon. Kaya may mga antibodies, yung nababanggit ni Pangulong Duterte, na hinihintay natin para panlaban,” ayon kay Go.
“Ang Pilipino naman, matatapang tayo, kaya lang kapag wala tayong gamot, mahirap nang magkahawaan,” dagdag pa nito.